MAS MALAWAK NA PAGKAKAISA AT KOOPERASYON SA ASEAN PARA SA PAGPAPATULOY NG PAGBAWI AT PAGBABAWAS NG KAHIRAPAN SA REHIYON, IPINANAWAGAN NI SPEAKER ROMUALDEZ
Nanawagan ngayong Lunes si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng isang malawak na pagkakaisa at kooperasyon sa pagitan ng mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), upang magpatuloy ang daloy ng pagbawi sa ekonomiya, at pagbabawas sa kahirapan sa rehiyon, matapos ang naranasang pandemya ng buong mundo.
Sa kanyang pahayag sa sesyon ng plenaryo sa 44th AIPA (ASEAN Inter-Parliamentary Assembly) General Assembly sa Jakarta bilang pinuno ng delegasyon ng Pilipinas, binanggit ni Romualdez na ang mataas na inflation at global economic slowdown ay nagsilbing banta sa inaasahang paglago ng rehiyon.
“High food and oil prices in particular have impacted households’ ability to afford other discretionary items. These points raise the urgency for ASEAN Member States to take action to build resilient, sustainable, and inclusive long- term growth,” ayon kay Romualdez.
“AIPA must recognize that the path to greater prosperity in the region is by greater regional cooperation and interdependence,” dagdag niya.
Ang AIPA General Assembly, ayon kay Romualdez, ay kumakatawan sa kaugnayang plataporma para sa talakayan at pagpapalitan ng mga pinakamagagandang kasanayan ng mga parliyamentong miyembro.
Gayundin, sinabi niya na ang mga parliyamento ng rehiyon ay gumaganap ng kakaiba at mahalagang papel sa pagpapalawak ng kaunlaran sa kooperasyon ng rehiyon, at sub-regional integration bilang mga hakbang sa lehislasyon na magpapasilidad sa akses sa merkado, at paunlarin ang alokasyon ng mga pagkukunan at pagiging produktibo ng rehiyon.
“Our parliamentarians are key to enhancing economic growth, financial stability, and social inclusion, and in addressing poverty and promoting institutional stability,” ani Romualdez.
Sa puntong ito, ipinahayag niya ang suporta sa pinaigting na pagtuon sa BIMP-EAGA Vision 2025, sa malalawak na istratehiya para makatugon sa sub-regional pandemic recovery at mga pagsisikap sa transpormasyon, lalo na sa usapin ng seguridad sa pagkain, malikhaing industriya, turismo, at pagbawi ng kalikasan.
Itinatag noong 1994, ang Brunei Darussalam–Indonesia–Malaysia–Philippines East ASEAN Growth Area, o ang BIMP-EAGA, ay naglalayong paigtingin ang kaunlaran sa mga kanayunan, at mga lugar na hindi gaanong napapaunlad, sa apat na bansang kalahok sa Timog Silangang Asya.
Ang BIMP EAGA's Vision 2025 ay upang maging matatag, inklusibo, nagpapatuloy, at economically competitive sub-region ng ASEAN, upang mabawasan ang agwat sa kaunlaran.
Upang mas makamtan ito, isinusulong ni Speaker Romualdez ang pagtatakda ng unang BIMP-EAGA Parliamentary Forum sa 2024 sa Lungsod ng Davao, upang pag-isahin ang mga isinasagawang polisiya sa mga usapin ng BIMP-EAGA.
Ibinahagi rin ni Romualdez sa kanyang mga kapwa mambabatas sa ASEAN ang roadmap ng Pilipinas, tungo sa isang mas malakas at mas matatag na ekonomiya.
Binanggit niya na sa matatag na hakbang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ay pinagtibay ng Kongreso ng Pilipinas ang isang Medium-Term Fiscal Strategy na naglalayong suportahan ang pagbawi sa ekonomiya, habang tinitiyak ang fiscal sustainability.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home