VIETNAM, NANGAKONG MAGLAAN NG MATATAG AT ABOT KAYANG SUPLAY NG BIGAS PARA SA PILIPINAS AYON KAY SPEAKER ROMUALDEZ
SUPORTA NG VIETNAM NA GAWARAN ANG PILIPINAS NG MATATAG NA SUPLAY AT ABOT-KAYANG HALAGA NG BIGAS, HINILING NI SPEAKER
JAKARTA, INDONESIA—Nanawagan ngayong Linggo si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng suporta mula sa Vietnam, na gawaran ang Pilipinas ng matatag na suplay ng bigas sa abot-kayang halaga, bilang pagpapatunay ng malakas na ugnayang pakikipagkaibigan sa pagitan ng dalawang bansa.
Ito ay matapos na makipagpulong si Romualdez kay Vuong Dinh Hue, Pangulo ng National Assembly ng Vietnam, bago ang pormal na pagbubukas ng 44th AIPA (ASEAN Parliamentary Assembly) general assembly rito.
Matatandaang nagpahayag si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ng pag-aalala hinggil sa suplay ng bigas sa bansa, sa kabila ng malawakang pinsala sa mga palayan matapos manalasa ang bagyong Egay, at ang banta ng El Nino phenomenon sa produksyon ng bigas.
Gayundin, ang pagbabawal sa pag-aangkat ng bigas noong ika-20 ng Hulyo ng India, ang pinakamalaking exporter ng bigas sa buong mundo --- ay inaasahang makakaapekto sa pandaigdigang halaga ng bigas sa mga kosyumer, lalo na sa Aprika at Asya.
Ang Vietnam ang tradisyonal na pinanggagalingan ng bigas na inaangkat ng Pilipinas, subalit habang maraming bansa ang nakapila, sinabi ng Pangulong Marcos na maaaring maging limitado na lamang ang suplay, at posibleng maghanap na ang bansa ng alternatibong mapagkukunan ng suplay tulad ng India.
Ang pagtitiyak ng suplay mula sa Vietnam ay makatutulong sa pagpapalakas ng suplay ng bansa at mababawasan ang paglobo ng presyo nito dahil sa mga ispekulasyon sa posibleng pagkukulang nito.
Bilang tugon, sinabi ni Romualdez na ang Pilipinas ay handa namang suplayan ang Vietnam ng mga partikular na produkto at materiyales na kakailanganin nito, upang tugunan ang pangangailangan naman ng kanilang mga industriya o mga konsyumer.
Sinabi rin ni Romualdez kay Hue na inaasahan niyang mapapalawak ang kooperasyon sa pagitan ng dalawang bansa, lalo na sa pagitan ng kani-kanilang parliyamento at sa usapin ng transisyon sa enerhiya at digital transformation.
Gayundin, tinalakay ng dalawang pinuno ng parliyamento ang mga oportunidad para sa partnership at kooperasyon upang paunlarin ang supply chain, sa pagitan ng Pilipinas at Vietnam kaugnay ng iba pang produktong pang agrikultura, at iba pang materyales sa konstruksyon tulad ng semento.
Samantala, inanyayahan ni Hue si Romualdez na bisitahin ang Vietnam upang maibalik niya ang mainit na pagtanggap na iginawad sa kanya mula sa mga miyembro ng Kapulungan sa kanyang pagbisita sa Pilipinas noong Nobyembre nang nakaraang taon.
Partikular na pinasasalamatan ni Hue ang resolusyong pinagtibay ng Kapulungan ng mga Kinatawan upang palakasin ang kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at Vietnam sa pamamagitan ng pagtatatag ng Philippine-Vietnam Parliamentarians’ Friendship Society.
Iprinisinta ni Romualdez kay Hue ang kopya ng House Resolution No. 34, sa kanilang idinaos na pagpupulong noong nakaraang taon sa Kapulungan ng mga Kinatawan sa Lungsod ng Quezon. #
Inanunsyo ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na na nangako ang Vietnam na maglalaan sa Pilipinas ng matatag at abot-kayang suplay ng bigas kasunod ng kanyang pulong kay Vuong Dinh Hue, ang chairman ng National Assembly ng Vietnam -- sa bisperas ng 44th ASEAN Parliamentary Assembly, general assembly sa Indonesia.
Sinabi ni Romualdez na ang hakbang ng Vietnam ay pagpapatibay sa malakas na ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Vietnam.
Ayon sa kanya, makakatulong din ang “assurance” mula sa Vietnam pagdating sa suplay ng bigas ng Pilipinas, at mapipigilan ang posibleng taas-presyo bunsod ng lulutang na “shortages” o kakulangan.
Nauna nang nabahala si Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa supply ng bigas sa ating bansa, sa gitna ng pinsalang dulot ng Bagyong Egay at banta ng El Niño phenomenon sa produksyon ng palay.
Inaasahang makaka-apekto rin sa presyuhan ng bigas sa Africa at Asia ang ipinanataw na export ban ng India, na pinaka-malaking rice exporter sa mundo.
Tiniyak naman ni Romualdez na ang Pilipinas ay handang maglaan sa Vietnam ng iba’t ibang produkto at materyal na maaaring kailanganin ng mga industriya roon at consumers.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home