Friday, August 18, 2023

PANUKALA NA MANGANGALAGA SA MGA KATUTUBONG LARO SA BANSA, APRUBADO SA KAPULUNGAN


Inaprubahan ng Kapulungan ng mga Kinatawan ngayong Miyerkules ang House Bill (HB) No. 8466, na naglalayong pangalagaan ang mga katutubo at tradisyunal na mga palaro at palakasan, tulad ng patintero at luksong-tinik, bilang buhay na pamana ng bansa.


Sa nagkakaisang boto na 275, inaprubahan ng Kapulungan ang panukala sa huling pagbasa, binigyang halaga ang kahalagahan ng pangangalaga sa mayamang kultura na pamana ng mga katutubong Pilipino (IPs), at ang pagsusulong ng kahalagahan ng mga tradisyunal na laro na nagpapataas sa kalusugan ng mga Pilipino, lalo na ng mga kabataan.


“The indigenous games and sports of our country are a part of our identity as Filipinos and as a nation,” ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, pinuno ng 312-miyembro ng Kapulungan ng mga Kinatawan.


“Hence, we must support legislations that will deepen our connection to our historical roots, while also promoting self-expression, peace, harmony, goodwill, and camaraderie, in line with our mandate under the Constitution and the United Nations Declaration on the Rights of Indigenous Peoples,” ayon sa kinatawan ng Unang Distrito ng Leyte.


Ilan sa mga pangunahing may-akda ng panukala ay sina Reps. Marlyn Primicias-Agabas, PM Vargas, Gus Tumbunting, Faustino Michael Carlos Dy III, Lord Allan Velasco, Keith Micah Tan, Charisse Anne Hernandez, Richard Gomez, Eric Buhain, Stella Luz Quimbo, at Manuel Jose Dalipe.


Tinutukoy sa Section 3 ng HB 8466 ang “indigenous games” bilang tradisyunal na palakasan at palaro na kakaiba at nag-uugat sa mga tradisyon, kaugalian, at kasanayan at sumasalamin sa mayamang kulturang pamana ng iba’t ibang indigenous cultural communities o indigenous peoples, na ipinamana sa mga henerasyon tulad ng bunong braso, ginnuyudan, hilahang lubid, kadang-kadang, karera sa sako, luksong-tinik, patintero, syato, unggoy-unggoyan.


Ang mga ito ay kinabibilangan ng mga larong nilalaro ng mga katutubong komunidad, na kadalasan ay sinasamahan ng mga katutubong materyales at laruan, bilang pangingilin sa mga rituwal ng mga katutubo, pagdiriwang ng mga kapistahang kultural, pagpapahayag ng pakikitungo sa kapwa, kasayahan, pakikipagtunggali at paligsahan.


Iminamandato rin ng panukalang batas sa Philippine Sports Commission (PSC), sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Olympic Committee (POC), National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), at sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) na magsagawa ng taunang pangrehiyon at pambansang paligsahan sa katutubong palakasan.


Sa pakikipagkonsultasyon sa mga may-kaugnayang indigenous cultural communities (ICCs) o indigenous peoples, ang mga host na LGU ay may karapatang pumili ng mga palaro at palakasan, na lalaruin at paglalabanan sa rehiyonal at pambansang paligsahan ng mga katutubong palaro at palakasan.


Inaatasan rin sa panukala ang NCIP at ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA), sa pakikipag-uganayan sa Kagawaran ng Edukasyon, Commission on Higher Education, PSC, POC, LGUs, at ng Philippine Information Agency, na magpairal ng mga pamamaraan upang mapangalagaan ang mga katutubong palaro sa bansa, tulad ng pagsama ng mga katutubong laro bilang bahagi ng kurikula, at iba pang nararapat na aktibidad ng paaralan sa basic at higher education system, at ang produksyon ng mga dokyumentaryo at iba pang materyales para sa mga katutubong laro.


Kapag naisabatas ang HB 8466, ang mga katutubong palaro ay isasama sa regular na pagtatanghal ng mga palakasan at palaro sa Palarong Pambansa, at iba pang pambansang sports events, at pagsasaliksik sa iba’t ibang palakasan at palaro na tradisyunal na nilalaro ng iba’t ibang grupo ng mga katutubo, sa pakikipagkonsultasyon sa ICCs o IPs, ay gagawin upang matiyak ang pangangalaga at pananatili ng mga ito. wantta join us? sure, manure...

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home