@ PAGREBISA SA REPORMANG PENSYON NG MUP, PASADO SA KAPULUNGAN
Pinuri ngayong Martes ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang Chair at mga Miyembro ng Ad Hoc Committee ng Military and Uniformed Personnel (MUP) Pension System, sa pagpapalabs nila ng nirebisang bersyon ng panukalang reporma na katanggap-tanggap na ngayon sa mga nagsusulong, kabilang ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas at Pambansang Pulisya.
“Salamat sa House Ad Hoc Committee, makakatulog na nang mahimbing ang mga military at uniformed personnel natin gayundin ang kanilang mga pamilya. Sigurado nang mababayaran ang lahat ng pensyon nila, may dagdag pa silang suweldo taun-taon,” ayon kay Speaker Romualdez, pinuno ng 312-miyembro ng Kapulungan ng mga Kinatawan.
Ipinahayag ng pinuno ng Kapulungan ang kanyang papuri matapos na ipabatid sa kanya na lahat ng mga nagsusulong na inanyayahan sa unang pagdinig na ipinatawag ng Ad Hoc Committee, ay nagpahayag ng kanilang pagkakuntento sa mga probisyon ng substitute bill na inihain ng lupon.
Ang substitute bill, na inaprubahan ngayong araw ng Ad Hoc Committee na may amyenda, ay pinag-isa ang lahat ng mga panukalang batas na inihain ng iba’t ibang Miyembro na may kaugnayan sa mga panukalang reporma sa MUP Pension System.
Iniutos ni Speaker Romualdez ang paglikha ng Ad Hoc Committee upang ayusin ang mga hindi pagkakasundo ng iba’t ibang panukala sa pension system reforms.
Ito ay pinamunuan ni Rep. Joey Salceda, chair ng Komite ng Ways and Means sa Kapulungan ng mga Kinatawan. Sumama bilang mga Vice Chairs ng Komite ang mga Chairs ng Komite ng Appropriation, National Defense, at Public Order and Security.
Ang mga mahahalagang kasunduan na sinang-ayunan sa idinaos na pagdinig ay kinabibilangan ng:
* 90 porsyento ng pinakamalaking package sa pagreretiro batay sa base pay ng lahat ng MUP, na nagtataas ng 5 porsyento mula sa dating package para sa mga tauhan ng AFP;
* Isama ang tauhan ng PNP na naglingkod ng mas mababa sa 20 taon na nasa talaan ng mga karapat-dapat sa separation lump sum;
* Nakapirmi sa 57 ang edad ng pagreretiro ng lahat ng MUP;
* Garantisadong 3 porsyentong pagtaas ng sweldo kada taon sa lahat ng MUP;
* Dalawang magkahiwalay na pension management system, isa para sa AFP at isa para sa mga civilian uniformed personnel;
* 50 porsyentong indexation para sa MUP;
* Paglikha ng bintana sa pension fund system para sa mga dehadong pensyonado.
"This landmark legislation demonstrates our unwavering commitment to the men and women in uniform, who risk their lives daily to maintain peace and order. It provides a robust, sustainable, and fair pension system that recognizes their invaluable service to our nation," ayon kay Speaker Romualdez.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home