medAff MGA PROBISYONG PANG EKONOMIYA LAMANG ANG CHA-CHA, AYON SA MGA PINUNO NG KAPULUNGAN
Sa kabila ng hindi mabilang na mga akusasyon laban sa Kapulungan ng mga Kinatawan, tiniyak ng mga pinuno ng iba't ibang partido politikal ngayong Lunes sa sambayanang Pilipino, na ang mga panukalang amyenda sa 1987 Konstitusyon na magnumula sa Kapulungan ay tutuon lamang sa mga probisyong pang-ekonomiya.
Ayon kay Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe, noong Marso 2023, inaprubahan ng Kapulungan sa ikatlong pagbasa ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 6, na nananawagan ng constitutional convention upang ipanukala ang amyenda, o pagrepaso ng mga probisyong pang-ekonomiya ng Saligang Batas ng Pilipinas.
“Klarong klaro na economic provisions lang. Read first what we filed instead of trying to speculate. You can review all the records. Check what we have transmitted to [the Senate],” ayon kay Dalipe, habang kinokontra ang mga intensyon umano na ang panukalang charter change ay naglalayong “(to) perpetuate the administration in power.”
Binigyang-diin ni Dalipe na hindi lihim na isinusulong ng Kapulungan ang pagbabago sa mahigit 37-taong gulang na Konstitusyon. Idinagdag niya na naninindigan ang Kapulungan sa kanilang buong suporta kung kinakailangan mang amyendahan ang mga probisyong pang-ekonomiya ng Konstitusyon, sa pamamagitan ng people's initiative, o ang bersyon ng Senado ng RBH 6, na nananawagan ng Constituent Assembly.
Binanggit ni Committee on Constitutional Amendments chairperson Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez na mahigit na 350 na mga House bills ang naihain na simula pa noong 1988.
Ipinaliwanag niya na ang mga organisasyon mula sa sektor ng negosyo ang naggigiit ng madaliang pagbabago dahil anila, nahuhuli na ang Pilipinas sa mga kapit-bansa sa antas ng gross domestic product (GDP) growth rate.
Tinatanggap rin ng mga pinuno ng Kapulungan ang hakbang ng Commission on Elections (Comelec) na ipatigil ang lahat ng proseso hinggil sa people’s initiative, subalit nananatiling naninindigan sa pagsusulong ng mga amyenda sa mga probisyong pang-ekonomiya, na ganap na makakalikha ng maraming oportunidad sa trabaho, mapataas ang akses sa mga programang panlipunan, at pasiglahin ang pagpapaunlad ng bawat sektor.
Ipinaliwanag ni Deputy Speaker Kristine Singson-Meehan na ang mga dayuhang pamuhunan na papasok sa bansa ay makakatulong sa pagpopondo sa pamahalaan, na magagamit para sa kinakailangang social services sa kapakinabangan ng mamamayan.
Iginiit ni Rodriguez na walang nilalamang anumang probisyon ang RBH 6 na sumusubok na tanggalin ang kanilang counterparts. “We have no plans to abolish the Senate. We need the Senate—a body for checks and balances,” aniya.
Nagpahayag si Rizal Rep. Michael John Duavit, Nationalist People’s Coalition (NPC) president, na maraming Miyembro ng Kapulungan ang kasapi ng kaparehong partido politikal ng mga senador.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home