Friday, February 23, 2024

Kath Malaking tulong para sa dagdag kaalaman ng mga Pilipino kung mabubuksan ang sektor ng edukasyon sa dayuhang mamumuhunan.


Ito ang binigyang diin nina House Deputy Majority Leader at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, at Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD) Deputy Secretary General Dr. Romulo Emmanuel Miral Jr. sa isang pulong balitaan.


Kasama ang sektor ng edukasyon sa mga probisyon ng 1987 Constitution na nais amyendahan sa ilalim ng Resolution of Both Houses No. 6 at 7 ng Senado at Kamara o ang economic charter change.


Ayon kay Miral, pinalad siyang mapadala at mapag-aral abroad, ngunit hindi aniya lahat ng Pilipino ang mabibigyang ng ganitong pagkakataon.


Kaya mas mainam kung mismong ang mga foreign education institution ang pumunta sa Pilipinas para mas magkaroon ng access ang mga Pilipino sa dagdag na kaalaman.


Ganito aniya ang sistema sa Singapore at Malaysia na bahagi ng naging pag-aaral ng CPBRD tungkol sa pagpasok ng foreign direct investment sa limang bansa sa ASEAN Region.


“Mas kaunti kasi ang makakalabas (ng Pilipinas). Halimbawa, yun mismong mga educational institututions na ito ay pupunta dito sa ating bansa, mas maraming makakapag-aral sa atin at makapag-take advantage ng mga bagong kaalaman. Kasi, like Singapore, they welcome this. Sa Malaysia ganun din. So talagang mahuhuli tayo pag hindi natin ito sinundan yung ganung trend,” saad ni Miral.


Pinawi rin ng opisyal ang pangamba ng ilan na mabago ang pagiisip at values ng mga Pilipino kapag nagpapasok ng banyagang institusyong pang akademiya.


Aniya wala naman nabago sa kaniyang Filipino values nang siya ay mag-aral abroad.


“Hindi ko tinitingnan na it will be detrimental to our values. Sa palagay ko naman sa pag-aaral ko (sa abroad), hindi ako nagbago. Nandun yung same values (ko). Palagay ko ung formation na iyon na habang bata tayo nabubuo na iyon,” dagdag niya


Sa panig naman ni Acidre, sinabi nito na dagdag exposure ang hakbang na ito para sa mga mag-aaral na magamit ang kanilang mga natutunan.


“Kung pag-aaral lang yan, pwede nang pag-aralan dito sa Pilipinas. It is really the exposure to practice and learn that we are trying to get. Now, not everybody will have that opportunity. Kaya nga gusto natin dalhin sa Pilipinas para yung mga hindi naman maka afford, walang panahon o pagkakataon makapag-aral abroad, ay magkaroon sila ng pagkakataon na makuha ang parehong exposure, parehong pag-aaral para hindi na sila mangibang bansa,” sabi ni Acidre


Una nang sinabi ni Ways and Means Committee Chair Joey Salceda na kailangan ngayon ng education sector ng Pilipinas ng mga makabagong teknolohiya at foreign methodologies para mapagbuti ang kalidad ng pagtuturo sa bansa.


##


wantta join us? sure, manure...

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home