Wednesday, November 09, 2022

MGA PANUKALA SA BUWIS, KOMPREHENSIBONG PAG-AARAL SA KASAYSAYAN NG PILIPINAS SA PANAHON NG IKALAWANG DIGMAANG PANDAIGDIG AT PAGDARAGDAG NG INSENTIBO SA LEAVE, PASADO SA IKALAWANG PAGBASA

Inaprubahan ngayong Martes sa Kapulungan ng mga Kinatawan, sa pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang House Bill 4102, o ang "Plastic Bags Tax Act," na inamyendahan. 


Layon ng panukala na magpatupad ng excise tax sa mga plastic bags, upang makahikayat ng paggamit ng mga alternatibo na makabubuti sa kalikasan. 


Magdaragdag ng bagong seksyon sa National Internal Revenue Code of 1997, na inamyendahan sa ilalim ng panukala. Ito ay pangunahing iniakda nina Albay Rep. Joey Salceda, Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela Suansing at Sultan Kudarat Rep. Horacio Suansing Jr. Aprubado rin sa Kapulungan ang HB 4122, na magpapatupad ng Value-Added Tax (VAT) sa mga transaksyong digital sa bansa, na inamyendahan. 


Layon ng panukala na linawin ang pagpapatupad ng VAT sa Digital Service Providers (DSPs), at aamyendahan rin nito ang ilang seksyon ng NIRC of 1997. 


Ang panukala ay inihain nina Salceda at AAMBIS-OWA Party-list Rep. Lex Anthony Cris Colada. 


Ang HB 4339, na naglalayong gawing simple ang pagbubuwis ng sektor ng pinansya, at gawing mas magaan ang pagpapatupad ng buwis, ay inaprubahan rin sa ikalawang pagbasa, na inamyendahan. Ang panukala ay pangunahing iniakda nina Salceda at ng nakababatang Suansing. 


Gayundin, ang HB 5719, na naglalayong pagsamahin ang komprehensibong pag-aaral ng kasaysayan ng Pilipinas sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa kurikula ng higher education, ay inaprubahan sa ikalawang pagbasa, na inamyendahan. 


Layon ng panukala na ituro sa mga kabataan ang pagiging makabayan at diwang makabansa, kabilang na ang pagpapahalaga sa mga ginampanan ng mga bayaning Pilipino sa digmaan. 


At panghuli, ang HB 988, na naglalayong itaas ang service incentive leave ng mga kawani ay pasado sa ikalawang pagbasa. 


Pahihintulutan nito ang mga kawani na makapagbakasyon ng karagdagang 10 araw na may sweldo, at iba pa. 


Aamyendahan nito ang Presidential Decree (PD) 442, na inamyendahan, na mas kilala bilang Labor Code of the Philippines. 


Ang hybrid na sesyon ngayong Martes ay pinangunahan nina Deputy Speakers Kristine Singson-Meehan, Isidro Ungab at Aurelio Gonzales Jr.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home