PANUKALANG MAGNA CARTA PARA SA MGA FILIPINO SEAFARERS, APRUBADO NG KOMITE
Inaprubahan ngayong Huwebes ng Komite ng Overseas Workers Affairs sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni KABAYAN Rep. Ron Salo ang wala pang bilang na substitute bill sa ilang House Bills (HBs) na magtatatag ng Magna Carta para sa Filipino Seafarers, upang protektahan ang kanilang mga karapatan at isulong ang kapakanan ng mga marino, gayundin ang pagpapasigla ng industriya. Ang mga ito ay ang HBs 368, 379, 736, 1515, 1647, 1758, 2269, 2287, 3953, 4438, 4563, at 5795.
Tiniyak ni Rep. Salo sa mga nagsusulong na isinasaalang-alang ng Komite ang kanilang mga alalahanin sa pagbalangkas ng pinagsama-samang panukala.
Sinabi niya na tiniyak ng mga mambabatas na ang panukala ay “holistic, epektibo, at tutugon sa mga pangangailangan ng mga Pilipinong marino.
Kabilang sa mga pangunahing probisyon nito ay ang karapatan ng mga marino sa pagsulong at pagsasanay sa edukasyon sa makatwiran at abot-kayang gastos.”
Isinasaad din sa panukalang Magna Carta ang mga tungkulin at responsibilidad ng mga marino, gayundin ang iba pa nilang mga karapatan at pribilehiyo.
Nagpahayag naman ng kanilang suporta ang ilang ahensya ng gobyerno sa pagsasabatas ng panukala, kabilang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na pinangungunahan ni Administrator Arnel Ignacio.
Samantala, inaprubahan ng mga miyembro ng Komite ang mosyon na isama ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa paggawa ng mga ipatutupad ng mga tuntunin at regulasyon.
Umaasa si Rep. Salo na ang panukalang batas ay maisasalang sa deliberasyon sa plenaryo sa susunod na linggo.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home