Thursday, January 11, 2024

PAGPAPATUPAD NG PROGRAMANG MODERNISASYON NG JEEPNEY, INIMBESTIGAHAN NG LUPON SA KAPULUNGAN


Alinsunod sa utos ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa Komite ng Transportasyon sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop, ay sinimulan ngayong Miyerkules ang kanilang motu proprio na imbestigasyon sa pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP). 


Ayon sa mambabatas mula sa Antipolo, ang imbestigasyon ay isinagawa kahit na nakabakasyon pa ang Kapulungan dahil na rin sa mga usaping bumabalot sa programa. 


Sa ilalim ng umiiral na mga patakaran, ang mga operators ng mga public utility vehicles na hindi pa nakakatupad sa utos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magsama sama sa operasyon ay tatanggalan ng kanilang mga prangkisa hanggang sa ika-31 ng Enero 2024. 


Tinanong ng lupon ang hinggil sa mga usapin tulad ng halaga ng subsidiya na sasagutin ng pamahalaan sa pagbili ng mga bago at modernong PUVs, epekto ng mga napakamahal na jeepney sa pamasahe, at ang mga kapakanan ng mga tsuper ng jeepney na maapektuhan ng pagtatanggal ng mga lumang jeepneys. 


Iginiit ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez na dapat na pangalagaan ng ang programang modernisasyon ang  makasaysayang disenyo at pangkulturang kahalagahan ng mga PUV jeepneys. 


Iminungkahi niya rin ang “pocket” na pagpapatupad ng programa, kung saan ang programa ay ipapatupad batay sa lokalidad, upang mapatunayan kung karapatdapat nga ba ito. 


Tinanong ni Rep. France Castro  (ACT Teachers Partylist) ang kahalagagan ng pagpapatupad ng programang modernisasyon, habang tinanong naman ni Rep. Rodante Marcoleta ang kakayahan ng mga modernong jeepneys sa mga umiiral na lansangan. Samantala, pinasalamatan ni 1-Rider Partylist Rep. Bonifacio Bosita si Speaker Romualdez sa kanyang direktiba sa pagsasagawa ng imbestigasyon, na naka livestream para mapanood ng publiko upang maunawaan ng marami ang usapin. 


Sumang-ayon ang mga mambabatas na magbalangkas ng isang resolusyon na magrerekomenda kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Na palawigin pa ang deadline para sa konsolidasyon, dahil sa mga usaping may kaugnayan sa programa


Attachment.png

wantta join us? sure, manure...

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home