rpp Comelec dapat i-validate lagda na nakalap para sa People’s Initiative—Salceda
Iginiit ni Albay Rep. Joey Salceda na dapat i-validate ng Commission on Elections (Comelec) ang mga nakalap na lagda para sa isinusulong na People’s Initiative sa kabila ng pagtutol dito ng Senado.
"Point of no return na 'yan. Let the Comelec validate the signatures. That’s in the Constitution," ani Salceda, chairman of the House Committee on Ways and Means.
Layunin ng People’s Initiative na atasan ang Senado at Kamara de Representantes na magpanukala ng amyenda sa Konstitusyon at bumoto ng magkasama.
Ayon kay Salceda ang pagsasagawa ng validation ng Comelec ay isang mahalagang hakbang upang tiyakin ang legalidad at kredibilidad ng inisyatiba.
Upang maging tagumpay ang People’s Initiative sa pagpapatawag ng Constituent Assembly, kinakailangang makakolekta ng lagda na hindi bababa sa tatlong porsyento ng mga rehistradong botante sa bawat legislative district.
Binigyan-diin ni Salceda na ang People’s Initiative ang nalalabing paraan para amyendahan ang Saligang Batas lalo’t una ng tinutulan at isinantabi ng Senado ang Constitutional Assembly (Con-As) at Constitutional Convention (ConCon) sa mga nakalipas na panahon.
“Lahat naman dead-on-arrival kapag sa kanila (Senate) napupunta,” ayon pa kay Salceda.
Ipinunto ni Salceda na walang nagtagumpay sa kabuuang 358 panukala na naglalayong amyendahan ang Konstitusyon sa nakalipas na 36 taon.
“May nag-file ng 54 bills to change the Constitution as early as 1987 right after it was ratified. So up to now it's 358. Isang beses lang ang umusad noong 12th Congress at naipasok sa plenary for sponsorship and that's it,” ayon pa sa mambabatas.
Dagdag pa ni Salceda, kinakailangan ng amyendahan ang 1987 Konstitusyon, lalo na ang mga probisyong pang-ekonomiya na nagiging hadlang sa mabilis na pag-unlad ng Pilipinas na siya ring itinuturong dahilan kung kaya nahuhuli ito sa mga bansa sa Southeast Asia.
“Nakakaganda ba para sa bayan ito 1987? Ang sagot ko po hindi. Bakit? Talo na tayo. In 10 years talo na tayo ni Cambodia. ‘Yan ba gusto natin? Alam naman natin kung bakit. Sarado ang negosyo sa Pilipinas,” paliwanag pa ng mambabatas. (END)
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home