KARAGDAGANG ALLOWANCE PARA SA MGA GURO SA PAMPUBLIKONG PAARALAN, APRUBADO NA SA KOMITE NG KAPULUNGAN
Inaprubahan ngayong Martes ng Komite ng Ways at Means sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, ang probisyon ng buwis na nakapaloob sa isang wala pang numerong substitute bill, na naglalayong gawing institusyunal ang pagbibigay ng teaching supplies allowance para sa mga guro sa pampublikong paaralan.
Ito ay pinagsama-samang bersyon ng mga House Bills (HB) 547, 714, 1849, 1893, 1913, 2697, 2781, 2829, 3476, 3543, 4072, 4383, 4982, 6078, 707, at 7720. Ayon sa Seksyon 4 ng panukala, ang mga guro ay tatanggap ng allowance na gagamitin para sa pagbili ng mga kagamitan at materyales sa pagtuturo, pagbabayad ng mga hindi inaasahang gastos, at pagpapatupad ng iba't ibang paraan ng pamamaraan sa pag-aaral.
Ang allowance para sa School Year (SY) 2023-2024 ay nakatakda sa P7,500 bawat guro para sa School Year (SY) 2023-2024, at P10,000 para sa SY 2024-2025 pagkatapos nito. Hindi rin kakaltasan ng buwis ang panukalang benepisyo.
Inaprubahan din ng Komite ang mga probisyon sa buwis ng mga kapalit na panukalang batas sa 1) HB 321, na magtatatag ng isang state college sa Dinagat Islands, 2) HB 6566, na magtatatag ng isang state college sa Alabel, Sarangani, 3) HB 7289, na magpapalit ng Siquijor State College sa Larena, Siquijor, kasama ang extension campus nito sa Lazi, Siquijor sa isang state university, at 4) HB 7323, na nagdedeklara sa Philippine State College of Aeronautics, bilang pambansang propesyonal na institusyon para sa abyasyon, na pinalitan ito ng pangalan bilang National Aviation Academy of the Philippines.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home