Friday, November 11, 2022

KADIWA AGRI-FOOD TERMINAL

Hiniling ni AGRI Party-list Representative Wilbert Lee sa liderato ng Kamara na agad talakayin ang inihain niyang House Bill No. 3957 o panukalang “Kadiwa Agri-Food Terminal Act."


Layunin ng panukala ni Lee na magkaroon ng koordinasyon sa pagitan ng Department of Agriculture at mga lokal na pamahalaan para sa pagtatayo ng Kadiwa Agri-food Terminals sa bawat lungsod at munisipalidad sa buong bansa.


Ang “Kadiwa ni Ani at Kita Program” ay programa ng DA kung saan pwedeng magbenta ng kanilang mga produkto ang mga magsasaka at mangingisda direkta sa mga mamimili.


Diin ni Lee, matutulungan nito ang mga magsasaka at mangingisda na kakarampot ang kinikita.


Ayon kay Lee, tiyak na makakatugon din ang Kadiwa centers sa patuloy na tumataas na presyo ng mga bilihin dahil mas mura ang mga produktong ibinibenta dito.


Kapag naging ganap na batas ang panukala ni Lee ay paglalaanan ito ng P25 billion sa unang taon ng pagpapatupad habang P10 billion naman ang ipapaloob budget ng DA para sa pagpapalawig ng implementasyon nito.

#####

DIAGNOSTIC LABORATORY

Itinutulak sa Kamara ang isang panukalang batas na layong magtatag ng “state-of-the-art diagnostic laboratory” ang bansa, para matukoy ang iba’t ibang sakit na naka-aapekto sa local hog industry at iba pa.


Ito ang House Bill 5385 ni Cagayan do Oro City Rep. Rufus Rodriguez, na isa sa nakikitang solusyon laban sa pagkalat ng “swine diseases” at katulad.


Sa ilalim ng panukala, ang Department of Agriculture o DA ang bibigyang-mandato na magtatag ng diagnostic laboratory na mag-aaral at tutukoy ng “disease strains” na banta o tatama sa mga baboy.


Ang diagnostic laboratory din ang magrerekumenda ng angkop na bakuna para sa susulpot na sakit; at magsasagawa ng surveillance at alamin kung posible bang ma-transmit o mailipat sa mga tao at iba pang hayop ang sakit.


Paliwanag ni Rodriguez, importante ang “early detection” ng mga sakit para agad na makagawa ng aksyon upang mapigilan o makontrol ito, at maiwasan ang pagkasawi at pagkasayang ng libo-libong mga baboy.


Kapag magkakaroon din ng diagnostic laboratory, hindi lamang ang mga lokal na industriya ng pagbababoy ang mapoprotektahan, kundi pati ang mga consumer.

EVACUATION CENTERS

Lusot na sa House Subcommittee on Disaster Preparedness ang panukalang batas na layong magtayo ng mga evacuation center sa bawat probinsiya, siyudad at municipality at paglalaan ito ng pondo ng pamahalaan.


Sa nasabing panukala magtatayo ang pamahalaan ng mga standard-based evacuation centers ng sa gayon hindi na gagamitin bilang temporary evacuation centers ang mga pampublikong paaralan at ilang mga private facilities. 


Target magtayo ng mga evacuation centers sa 1,488 municipalities at 146 siyudad na siyang magiging permanenteng lugar na pupuntahan ng mga magsilikas nating mga kababayan sa panahon ng kalamidad, natural o man-made disasters.


Si Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang siyang principal author ng HB 16, kasama si Tingog Party-list Reps. Yedda Marie Romualdez atJude Acidre.


Ayon kay Representative Adiong, layon ng nasabing pagdinig na magasagawa ng paunang deliberasyon sa 26 na panukala na isinusulong sa Kamara.


Batay sa explanatory note ng House Bill No.16 ng may akda, mahalaga ang pagtatayo ng evacuation centers lalo at hindi batid ang panahon sa pagdating ng mga sakuna.


Ang pagdinig ay pinangunahan ni Rep. Zia Alonto Adiong, 1st District ng Lanao del Sur. 


Pinagsama sama na rin ang nasa 26 na panukala para bumuo ng substitute bill.


Sinabi ni Adiong ang House Bill No.16 ay isa sa  priority measures ni Speaker Romualdez.


Inihayag din ni Adiong na mayruon ng kahalintulad na panukala na inaprubahan na sa third and final reading sa mga nagdaang Kongreso.


Ang subcommittee ay nasa ilalim ng jurisdiction ng House Committee on Disaster Resilience.

PAGSASAMA NG MGA PANUKALA NA MAGTATATAG NG MGA EVACUATION CENTERS SA BAWAT LALAWIGAN, LUNGSOD AT BAYAN APRUBADO

Inaprubahan ngayong Huwebes ng Subcommittee on Disaster Preparedness sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Zia Alonto Adiong (1st District, Lanao del Sur) ang House Bill 16, na pagsasama-sama ng 25 iba pang panukala na magtatatag ng mga evacuation centers sa bawat lalawigan, lungsod, at bayan, at paglalalaan ng pondo para rito. 


Si Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pangunahing may-akda ng HB 16, kabilang sina Tingog Party-list Reps. Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre. Ang subcommittee ay nasa ilalim ng nasasakupan ng Komite ng Disaster Resilience. 


Ang House Bill 16 ay ipagsasama-samang HBs 16, 1091, 1714, 2256, 2542, 2773, 2826, 2940, 2995, 3047, 3466, 3498, 3774, 3778, 4145, 4233, 4381, 4685, 5109, 5152, 5158, 5185 at 5211, upang makabuo ng isang substitute bill. 


Sinabi ni Adiong na ang pangunahing layunin ng pagdinig ay magsgawa ng paunang deliberasyon ng lahat ng 26 na panukala. Ayon sa kanya, ang HB 16 ay isa sa prayoridad na panukala ni Speaker Romualdez. 


Binanggit ni Adiong na isang katulad na panukala ang inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa noong nakaraang Kongreso. 


Sa explanatory note ng HB 16, ipinahayag ng mga may-akda ang paniniwala na ang pagtatatag ng evacuation centers sa 1,488 munisipyo, at 146 lungsod sa buong kapuluan ay magiging isang permanenteng solusyon para sa evacuation sa panahon ng kalamidad at natural na sakuna o gawa man ng tao. 


Layon ng HB 16 na itatag ang standard-based evacuation centers sa bawat lungsod at bayan, upang mabawasan ang pag-apaw ng mga pansamantalang evacuation centers, sa mga pampublikong paaralan ang mga pribadong pasilidad.