PARUSA SA PAGPUPUSLIT NG BULTO-BULTONG SALAPI, INAPRUBAHAN NG KOMITE
Aprubado na sa Komite ng Kamara ang panukalang naglalayong parusahan ang pagpupuslit ng malaking halaga ng foreign currency at iba pang instrumento sa pananalapi na ipapasok o ilalabas ng Pilipinas.
Sinabi ni Albay Rep at Committee on Eays and Means Chair Joey Salceda na ang panukala ay makakatulong sa pagpapagaan ng customs declaration para sa mga pasahero, kabilang ang mga Overseas Filipino Workers (OFW).
Nakasaad sa panukalang substitute bill ng komite na sinoman na magpapasok ng salapi galing ng ibang bansa na higit sa USD10,000, o katumbas na halaga na perang dayuhan ay maaaring humingi ng tulong sa isang Customs Officer sa pagsagot sa Currencies Declaration Form at Customs Baggage Declaration Form.
Sa ilalim din ng panukala, ang mga indibidwal na mahuling may dala ng mga foreign currency sa halagang lampas sa USD200,000 o katumbas nito ay papatawan ng pito hanggang 14 na taong pagkabilanggo at multang katumbas ng doble ng halaga ng ipinuslit na pera.
Papatawan din ng kaparusahan ang mga indibidwal na mahuhuling umiiwas na ihayag ang perang dala.