medAff PANUKALA NA MAGPAPAUNLAD SA PAPEL NG PARENT-TEACHER AT COMMUNITY ASSOCIATIONS SA MGA KARAPATAN NG MGA BATA, PASADO SA IKALAWANG PAGBASA
Inaprubahan ng Kapulungan ng mga Kinatawan, sa pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ngayong Miyerkules, sa ikalawang pagbasa ang House Bill 9670, na naglalayong gawing institusyon at paunlarin ang papel na ginagampanan ng parent-teacher and community associations (PTCA), sa pagsusulong ng kapakanan at proteksyon ng mga karapatan ng mga bata.
Aamyendahan nito ang Presidential Decree No. 603, o ang Child and Youth Welfare Code. Layon ng panukala na gamitin ang lakas ng pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga magulang, mga guro at mga tagapamahala ng mga paaralan, at ng komunidad sa paggagabay sa kaunlaran ng mga bata.
Kapag naisabatas, lahat ng early child development centers at basic education schools ay kinakailangang mag-organisa ng PTCA na ang layunin ay: 1) tumulong sa pagpapatupad ng mga programa na mangangalaga sa mga karapatan at kapakanan ng mga bata; 2) lumikha ng programang pangkaunlaran para sa mga bata; at 3) suportahan ang pagpapatupad ng mga polisiya sa proteksyon ng mga bata sa mga paaralan at mga komunidad, at iba pa.
Ang isang mahalagang probisyon ng HB 9670 ay hikayatin ang mga ama at mga lalaking tagapag-alaga na makilahok sa mga aktibidad ng PTCA.
Binigyang halaga ni Committee on welfare of children chairperson at BHW Party-list Rep. Angelica Natasha Co, na tumayo bilang isponsor, ang mahalagang papel na gagampanan ng PTCA sa paglikha at pagmamantine ng “an environment conducive to the proper upbringing of the children, particularly with respect to their preparation for adult life and the conscientious discharge of their civic duties as a whole.”