KAMARA AT MALAKANYANG, NAGKALOOB NG 100 “LIBRENG – SAKAY” NA MGA BUS PARA SA MGA PASAHERONG APEKTADO NG WELGA SA TRANSPORTASYON
Ipinahayag kahapon (ngayong Lunes) ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na nagkapit-bisig ang Kamara at Malacañang, upang magkaloob ng 100 bus upang matulungan ang mga pasahero ng Metro Manila na apektado ng isang linggong welga na inilunsad ng mga grupo ng transportasyon na kumokontra sa programang modernisasyon ng mga pampasaherong jeepney ng pamahalaan.
Ang welga ng transportasyon ay natuloy sa kabila ng panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. para sa Kagawaran ng Transportasyon (DoTR), na repasuhin ang timetable at implementasyon ng programa.
[“Through the joint effort of the House of Representatives and Malacañang, we have fielded 100 buses to augment the number of vehicles provided by local governments and other government agencies that would provide free rides to affected commuters,” ayon kay Speaker Romualdez.]
[“It’s our commuters who would suffer the most from this transport strike. Cognizant of their difficult situation, have taken this joint initiative with Malacanang to ensure stranded commuters will have available rides to their work or home,” dagdag niya.]
Sinabi ni Speaker Romualdez na ang mga bus ay itinalaga sa Metro Manila Development Authority (MMDA), na siyang magpapasya kung saan magba-biyahe ang mga ito.
Batay sa mga ulat na nakarating sa kanya, sinabi ni Romualdez na may 1,380 na tao na ang naisakay ng unang 46 na bus na pinabyahe ng MMDA, upang magserbisyo sa iba’t ibang ruta sa kalunsuran sa pagitan ng 8:35 hanggang 11:01, Lunes ng umaga.
Sa ulat ng MMDA, sinabi ni Romualdez na ang unang batch ng 46 bus na bumiyahe ay tumuon sa mga sumusunod na ruta:
-Baclaran-Sucat
-Baclaran –Dapitan
-SM Sangandaan-Divisoria
-Buendia-Guadalupe
-Zobel-Roxas-Dulo (Sta. Ana)
-DOST Bicutan-Sucat
-Alabang-San Pedro
-Alabang-Calamba
-Philcoa-TM Kalaw
-BFCT-Cubao
-Monumento-Navotas
-Monumento-Malanday
Kung kinakailangan, sinabi ni Speaker Romualdez na magdadagdag pa sila ng mga bus para sa libreng sakay sa panahon ng welga.
Ayon pa sa kanya, nakakalungkot na sa kabila ng panawagan ng Pangulo para sa pagrepaso ng programang modernisasyon ng jeepney, ay itinuloy pa rin ng mga grupo ng transportasyon ang planong welga.
“President Marcos has shown that he is sympathetic to the issues raised by certain transport groups over the jeepney modernization program. I appeal to those concerned to engage the government in a sincere dialogue to resolve this issue,” ani Romualdez.
“Kawawa po naman ang ating mga commuters na sila ang laging naiipit at nahihirapan tuwing magkakaroon ng ganitong transport strike,” dagdag pa niya.