Senador Ejercito, imimungkahi ang rail-based solutions para maibsan ang trapik
Binigyang-diin ni Senate Deputy Majority Leader Joseph Victor “JV” Ejercito na ang tanging solusyon sa matinding traffic sa lungsod ay ang pagkakaroon ng epektibong mass transit system.
Bilang Chairman ng Senate Committee on Urban Planning, Housing, and Urban Development, binigyang-diin pa ni Ejercito ang agarang pagkakaroon ng programa para sa mass transit dahil sa patuloy na paglala ng traffic sa Metro Manila. Binanggit niya ang “nakakaalarmang balita” na tinatayang 300,000 na karagdagang sasakyan ang pumapasok sa ating mga kalsada bawat taon.
“Kaya patuloy naming isinusulong ang modernisasyon ng ating transportation systems, partikular na ang mga riles,” sabi ni Ejercito. Partikular niyang binanggit ang North South Commuter Railway (NSCR) project at ang Metro Manila Subway Project (MMSP).
Ang NSCR ay isang 147-kilometrong riles na nag-uugnay sa Lungsod ng Calamba sa timog at New Clark City sa hilaga, at ito ay dadaan sa ilang istasyon sa Metro Manila gamit ang kasalukuyang linya ng Philippine National Railways (PNR).
Magkakaroon din ito ng Airport Express service na may mga high-speed train na magdadala ng mga pasahero sa New Clark International Airport. Pinondohan ng Japan International Cooperation Program (JICA) at ng Asian Development Bank (ADB), nagsimula na ang konstruksyon ng NSCR sa bahagi ng Metro Manila kasunod ng pagsuspinde ng operasyon ng PNR mula Valenzuela hanggang Alabang.
Ang MMSP naman ay isang underground railway system na tumatakbo mula Parañaque sa timog hanggang Valenzuela sa hilaga. Mayroon din itong linya patungo sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
“Inaasahan naming ang mga solusyon na ito, tulad ng NSCR, ay magpapalaganap ng kaunlaran sa mga rural na lugar ng bansa at magbubukas ng mga oportunidad sa labas ng Metro Manila at iba pang pangunahing urban centers,” paliwanag pa ni Ejercito.
Naghain din ang senador ng Senate Bill 158, na lilikha at magpapatibay ng isang Comprehensive Infrastructure Development Master Plan.
Aniya, ang Master Plan ay magtitiyak ng pagpapatuloy ng mga pangunahing infrastructure programs sa kabila ng mga pagbabago sa administrasyon at maaaring pag-iba ng prayoridad sa imprastruktura ng gobyerno.