Friday, November 18, 2022

EMERGENCY PREPAREDNESS DRILL, ISINAGAWA NG KAPULUNGAN

Nagsagawa kahapon sa Kamara ng isang Earthquake and Fire Emergency Preparedness Drill sa Batasan Complex na nilahokan ng mga ng mga manggagawa ng Kamara.


Pinangunahan ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA), sa pamumuno ni PMGen. Napoleon Taas (Ret.), ang naturang pagsasanay kung saan ang bawat tanggapan ay nagtalaga ng mga miyembro ng Emergency Response Team (ERT).


Bukod sa mga ipinamahaging kopya ng emergency preparedness guide, nag-organisa at nagpapatupad ng mga patakaran sa oras ng drill. 


Ang mga kawani ay nakatalaga sa kani-kanilang mga tanggapan kahapon ng umaga para sa isang makatotohanang pagsasagawa ng drill. 


Matapos ang pag-anunsyo ng earthquake at fire drill, ginabayan ng mga ERTs ang mga kawani, habang ineensayo nila ang “drop, cover, and hold” posisyon, at matapos nito ay mahinahon na silang lumabas ng mga gusali upang magtipon sa kani-kanilang itinalagang evacuation area.




Samantala, nagkunwang pinapatay ng mga kawani ng Legislative Security Bureau (LSB) ang sunog na tumutupok sa bulwagan ng Kapulungan, at kasama ng mga Plenary Pages, nagsagawa sila ng drill kung paano gagabayan ang mga mambabatas, mga kawani at mga bisita papalabas ng bulwagan. 


Sa pakikipag-ugnayan sa Bureau of Fire Protection, ay nagsagawa rin sila ng kunwaring rescue operations sa mga “sugatang” indibiduwal na dinala naman sa mga itinalagang Treatment Areas. 


Kasabay nito, nagtayo naman ang EPFD ng Command Center kung saan ay nakatalaga si SAA Taas bilang ground commander. 


Matapos na ihudyat ni EPFD Deputy Secretary General Engr. Floro Banaybanay na ligtas na ang mga gusali, ay bumalik na ang bawat isang kawani sa kani-kanilang mga tanggapan. 


Ang drill ay magtatapos sa isang pulong upang talakayin ang mga komento, obserbasyon at mga rekomendasyon.