PAGTAYO NG MGA SEMENTERYO PARA SA MGA MUSLIM, PINAGTIBAY NG KOMITE
Pinagtibay kahapon (ngayong Martes) ng Committee on Muslim Affairs sa Kamara na pinamumunuan ni Lanao del Norte Rep. Mohamad Khalid Dimaporo ang substitute bill ng mga panukala na naglalayong magtatag ng isang Muslim Filipino cemetery sa bawat lungsod at munisipalidad na may mga malalaking populasyon ng Muslim.
Sina Lanao del Sur Reps. Ziaur-Rahman Alonto Adiong, Yasser Alonto Balindong, at Deputy Minority Leader Mujiv Hataman ang mga naghain ng mga panukalang batas.
Sinabi ni Adiong na ang mga Muslim na Pilipino ay kasalukuyang nahihirapang ilibing ang kanilang mga namayapang kaanak dahil walang anumang pampublikong sementeryo na tumutugon sa kanilang pangangailangan na naaayon sa kanilang mga kaugalian at paniniwala.
Aniya, kadalasan napipilitan silang ihatid ang kanilang mga namayapa sa kanilang bayan sa Mindanao, kung saan magastos at mahirap para sa mga naulilang miyembro ng pamilya.
Nagsagawa din ang Komite ng mga paunang talakayan sa HB 5045, na kilala bilang "The Shari'a Courts Accessibility Act of 2023," na naglalayong bigyan ang mga Muslim na Pilipino ng mas maayos na paraan na maabot ang Shari'a Courts kapag wala ito. Aamyendahan ng panukalang batas na inihain ni Dimaporo ang Republic Act 9997, o ang "National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) Act of 2009." Sinabi ni Dimaporo na sa una niyang paninimula bilang chairman ng nasabing Komite, nagtungo ang NCMF sa kanyang tanggapan at tinalakay ang mga kinakaharap na hamon ng Komisyon. Aniya, isa sa mga karaniwang problema na naranasan ng NCMF ay ang mga miyembro ng Muslim community na naninirahan sa labas ng Mindanao, at nahihirapan na makarating sa mga Shari'a Courts para sa pagsasampa at pagtanggap ng mga regular na dokumento, tulad ng mga sertipiko sa kasal, kapanganakan, at kamatayan dahil ang pinakamalapit na Shari'a Court ay nasa Lungsod ng Zamboanga. Sinabi ni Dimaporo na muli nilang pinag-aralan ang batas na lumilikha ng NCMF, at nalaman na walang tiyak na mandato para sa kanila na tulungan ang kanilang mga nasasakupan pagdating sa pagsasampa ng mga dokumentong ito sa Shari'a Courts. “In the absence of Shari’a Courts within their region, Muslim Filipinos outside Mindanao have to spend more just to file entries on the Civil Registry lodged within the office of the Clerk of Court of the Shari’a Courts in Mindanao,” ani Dimaporo. Sinabi ni Court Administrator Raul Bautista Villanueva na ang panukalang batas ay maggagawad ng kapangyarihan sa NCMF na pagsilbihan ang mga Muslim na Pilipino, partikular sa birth certificate at iba pang mahahalagang dokumento sa pagpaparehistro. Bukod dito, ayon sa paliwanag na tala ng panukalang batas, ang HB 5045 ay naglalayong magbigay daan para sa isang digital platform na paperless na proseso para sa ilang mga serbisyo ng Shari'a Court. Panghuli, tinalakay ng Komite ang HB 5594, na kilala bilang "Philippine Islamic Burial Act," na nagbubukod sa mga Muslim mula sa agarang pagpaparehistro ng death certificate, na nagbabawal sa pagpigil ng mga bangkay sa panahon ng paglilipat o pagpapadala ng mga labi ng tao, at maglalagay ng parusa sa anumang mga paglabag sa panukala. Si Sultan Kudarat Rep. Princess Rihan Sakaluran ang naghain ng panukalang batas.