MAS MABILIS NA INTERNET, INAASAHAN NI SPEAKER ROMUALDEZ KAPAG NAPONDOHAN SA SUSUNOD NA TAON ANG PLANONG BROADBAND
Sinabi ngayong Lunes ni Speaker Martin G. Romualdez na kanyang inaasahan na bibilis na ang internet sa bansa, kapag ipinatupad na ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang kanilang National Broadband Plan (NBP), na pinondohan ng P1.5-bilyon sa panukalang 2023 pambansang badyet.
Ayon kay Romualdez, ang P1.5-bilyon alokasyon sa NBP ay bahagi ng P77-bilyon institutional amendments, na ginawa ng Kapulungan upang madagdagan ang badyet para sa edukasyon, kalusugan, transportasyon, at iba pang mahahalagang serbisyong panglipunan.
“And the internet is a critical social service nowadays, as it is deeply entrenched in the way we live. We use the internet for education, for delivering and availing social services, for our businesses, and for almost every facet of our lives,” ani Romualdez.
Sinabi ni Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, chairman ng House Committee on Appropriations, na ang P1.5-bilyon na ipinondo sa NBP ay malayo ang mararating, sa pagsisimula ng programa na naglalayong magbigay ng matatag na internet sa lahat ng ahensya ng pamahalaan sa buong kapuluan.
“At alam naman natin na maraming lugar pa rin sa ating bansa ang hindi naaabot ng internet connection, lalo na ‘yung malalayong lugar. And we can now use the bandwidth given by Facebook once the DICT conducts the rollout of national broadband infrastructure, which will now be finally funded,” ani Co.
Ang kanyang tinutukoy ay ang nauna nang kasunduan sa pagitan ng DICT, Facebook, at ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), na kung saan ay sumang-ayon ang Facebook na bigyan ang pamahalaan ng Pilipinas ng spectrum, na katumbas ng mahigit-kumulang na two million megabits per second (Mbps), kapag nailatag na ang imprastraktura ng internet.