PLANONG PAGBALIK NG JUNE TO MARCH SCHOOL CALENDAR, NAISUMITE NA SA MALAKANYANG
Naisumite na ng Department of Education o Deped sa Malakanyang ang kanilang planong maibalik ang June-March school calendar.
Sa pagdinig ng House Committee on Basic Education and Culture, humingi ng update ang chairman ng komite na si Pasig City Rep. Roman Romulo ukol sa naturang plano.
Sinabi ni Romulo na ang gusto ng mga mambabatas ay magawa na ito sa lalong madaling panahon at hindi ang isinusulong ng Deped na 5-year plan.
Ayon kay Dir. Leila Areola ng Deped, trinatrabaho na ng Kagarawan ang “gradual shift” ng school calendar sa “pre-pandamic school calendar.”
Sa katunayan, ani Areola, dahil sa samu’t saring panawagan, naghahanap ang Deped ng iba pang mga alternatibo upang mas mapabilis ang proseso.
(Aniya, mula sa unang balak na 5-year period, ito ay ginawang 2-year period na.
Dagdag ni Areola, naihain na nila ang mga opsyon sa tanggapan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. para sa kanyang kunsiderasyon, at naghihintay na lamang ng kanyang desisyon. )
Giit naman ni Romulo, kailangan na talagang maibalik ang orihinal na school calendar dahil sa daming problema gaya na lamang sa tindi ng init ng panahon.
Aniya, gusto ng mga mambabatas na face-to-face ang mga klase para sa mga bata at hindi online o asynchronous.