PAGTATAAS SA PONDO PARA SA MARAWI COMPENSATION FUND NG DBM, INAASAHAN SA KAMARA
Malaking tagumpay para sa mga biktima ng 2017 Marawi Siege ang pangako ng Department of Budget and Management DBM na paglalaanan ng mas malaking pondo ang Marawi Compensation Fund.
Ito ang paniniwala ni House Deputy Minority Leader at Basilan Representative Mujiv Hataman.
Sinabi ni Hataman na umaasa siya na totohanin ng DBM ang pagtataas ng pondo sa limang bilyong piso mula sa isang bilyong piso sa ilalim ng 2024 proposed national budget.
Anim na taon aniya ang hinintay ng mga biktima para maitayo ang mga nasirang tahanan.
Nakakuha rin umano ng commitment ang kongresista mula sa DBM na ilalabas na ang isang bilyong pisong alokasyon ngayong linggo para sa taong 2023.
Iginiit ni Hataman na hindi kasya ang isang bilyong piso lalo't limang taon lang ang ibinigay sa Marawi Compensation Board para matapos ang pagbabayad sa mga biktima sa lungsod.
Sa datos ng MCB mula July 4 hanggang August 31, umabot na sa 4,762 ang inihaing claims na nagkakahalaga ng 17.46 billion pesos.