PAGDINIG NG SENADO HINGGIL PEOPLE’S INITIATIVE, MARAPAT NA TIGILAN NA—REP ADIONG
hajji
Nanindigan si Lanao del Sur First District Representative Zia Alonto Adiong na walang napatunayan ang Senado sa ginawa nitong tatlong pagdinig ukol sa People’s Initiative na layong amiyendahan ang Saligang Batas.
Ayon kay Adiong, dapat nang tigilan ng Mataas na Kapulungan ang “witch hunt” na wala naman umanong napala dahil mismong mga testigo ang nagsabing wala silang natanggap na suhol.
Ito’y upang pumirma sa petisyon para sa People’s Initiative kaya lumalabas na gumagawa lamang aniya ng kuwento upang maging masama ang imahe nito.
Pinahirapan umano ng Senado ang mga testigo kaya ang dapat buhusan ng atensyon ay ang pag-apruba sa Resolution of Both Houses Number 6 na mag-aamiyenda sa Konstitusyon sa pamamagitan ng Constituent Assembly.
Giit ni Adiong, nauubos na ang oras para maipasa ang RBH 6 sa itinakdang deadline sa Marso.
Tanong tuloy ng kongresista kung nais bang ipahiya ng Senado si Pangulong Bongbong Marcos dahil sa matigas na paninindigan sa constitutional revision.
Samantala, umapela naman si Adiong na dapat gawin nang kusang-loob ang pagbawi sa mga pirma para sa PI at hindi dahil tinakot o binayaran ang mamamayan.