mar SINADYANG CHISMIS LABAN SA PI, IPINAKALAT PARA HINDI MATULOY ANG PAG-AMIYENDA SA KONSTITUSYON
Naniniwala si Surigao del Norte 2nd Dist. Congressman Robert Ace “Alas” S. Barbers na sinasadya ng ilang grupo na magpakalat ng chismis patungkol sa isinusulong na People’s Initiative (PI) para hindi talaga matuloy ang ikinakasang pag-aamiyenda sa 1987 Philippine Constitution.
Ayon kay Barbers, Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, posibleng talagang sinasadya ng ilang grupong tutol sa PI na magpakalat ng “maritess” o mga chismis para hindi matuloy ang pag-amiyenda sa Saligang Batas.
Ipinaliwanag ni Barbers na ang isa sa mga ginagamit na panakot at chismis ng grupong tutol sa PI ay ang di-umano’y planong pagbubuwag sa Senado at ang pagpapanatili sa puwesto ng kasalukuyang Pangulo sakaling tuluyan ng mabago ang ilang probisyon ng 1987 Constitution.
Dahil dito, binigyang diin ni Barbers na sinasadya ng nasabing grupo na magpakalat ng maling impormasyon o chismis para hindi talaga matuloy at madiskaril ang isinusulong na pag-aamienda sa Konstitusyon sa pamamagitan ng paninira sa tunay na layunin ng People’s Initiative (PI).
Kaugnay sa isyu ng di-umano’y pag-abolish o pagbubuwag sa Senado. Binigyang diin ni Barbers na wala naman pinag-uusapan na bubuwagin ang Mataas na Kapulungan sapagkat ang hakbang na gagawin ay amendments o updating lamang ng “economic provision” ng Saligang Batas.
Nilinaw ng kongresista na ang isinusulong ng Kongreso ay ang amendments lamang ng economic provision ng Konstitusyon at hindi ang pagbabago o revision ng buong Saligang Batas kabilang na ng di-umano’y term extension ng mga elected officials gaya pinangangambahan ng mga Senador.
“Ang akala ng mga Senador ay i-aabolish sila. Wala naman pinag-uusapan na bubuwagin sila, kaya sila natatakot dito. Ang ibig sabihin lamang nuon ay ayaw nilang suportahan ang pag-amiyenda sa Konstitusyon. Eh’ bakit ka gagawa ng kuwento o chismis na gaya nito na kesyo no-election scenario,” sabi ni Barbers.
Ipinabatid pa ni Barbers na kung ano-anong issues umano ang pinalulutang para lamang idiskaril ang pag-aamiyenda sa Saligang Batas. Kabilang na dito ang di-umano’y no-election scenario, extension ng term limits ng mga elected offials at ang pagbubuwag o pag-abolish sa Senado.
Dahil dito, muling binigyang diin ni Barbers na nakatutok lamang ang People’s Initiative sa pag-aamiyenda sa economic provisions ng Konstitusyon at wala aniya sa plano ang pagsusulong sa revision o ang pagbabago sa kabuuan ng Saligang Batas gaya ng pinangangambahan ng mga Senador.
“Paano naman magagawa na baguhin ang buong Saligang Batas sapagkat ang isinusulong lamang natin ay amendments hindi naman revision. Kapag binago mo ang buong estraktura ng gobyerno. Ang tawag duon ay revision at hindi na amendments, amendments lang ang gagawin natin,” paglilinaw ni Barbers.