MGA TWG PARA AYUSIN ANG MGA PANUKALA SA SOCIALIZED HOUSING AT CODE OF CONDUCT SA PAGPAPALAYAS, BINUO NG KOMITE
Bumuo ng mga technical working group (TWG) ngayong Miyerkules ang Komite ng Housing at Urban Development sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Negros Occidental Rep. Jose Francisco Benitez, upang pagkasunduin ang dalawang batas sa balanseng programa sa pabahay ng pamahalaan.
Ito ay ang House Bill 5754 na inihain ni Cavite Rep. Roy Loyola at ang unnumbered bill na inihain ni Quezon City Rep. Ma. Victoria Co-Pilar at Benitez.
Sa pag-amyenda sa Seksyon 18 ng Urban Development and Housing Act of 1992, na sinususugan ng Republic Act 10884, na kilala rin bilang Balanced Housing Development Program Amendments, palalakasin ng HB 5754 ang socialized housing projects ng mga LGUs.
Ayon kay Rep. Benitez, higit na binibigyang-katwiran ng batas ang programa at tinitiyak na makikinabang ang mga lokal na pamahalaan (LGUs) sa pagpapaunlad ng pabahay sa kanilang mga komunidad, at maaaring samantalahin ng mga LGU ang balanseng pagsunod sa pabahay ng pribadong sektor upang magtayo ng socialized na pabahay para sa mga nasasakupan na may mababang kita.
“The idea behind the balanced housing policy of the government is a counterpoint to gentrification so that as housing development increases in a specific LGU, our lower demographics and those who have lower income are not eased out of affordable homes in the same area where real estate development ideally is happening,” aniya.
Iginiit ni Rep. Benitez na hindi ito nangyari at ang mga iminungkahing pagbabago sa mga batas ay tutugon sa mga pinakamahusay na paraan upang matiyak na ang gentrification ay talagang nilalabanan.
Sinabi ni Rep. Loyola na ang HB 5754 ay iminumungkahi na ang mga developer ng subdivision at condominium na pipili na magbayad ng katumbas na halaga ng proyekto bilang pagsunod sa Seksyon 18 ng Balanced Housing Development Program ay dapat pahintulutan na ibigay sa LGU ang halaga na katumbas ng lima hanggang labinlimang porsyento ng kabuuang halaga ng proyekto na gagamitin lamang para sa mga programang socialized housing.
Kung sakaling ang LGU ay walang lote para sa mga naturang programa, ang mga developer ay dapat bigyan ng awtorisasyon na mag-alok at magbigay ng katumbas na halaga sa ibang LGU na mayroong mga lote na maaaring gamitin para sa socialized housing.
Si PINUNO Party-List Rep. Ivan Howard Guintu, at Vice Chair ng Committee on Housing and Urban Development, ang napiling pamunuan ang TWG.
Lumikha din ang Komite ng TWG para pagsama-samahin at bumuo ng draft substitute bill sa code of conduct on eviction and demolition. Kabilang dito ang HB 1040 ni Rep. Ivan Howard Guintu, HBs 1149 at 5812 ni Rep. Patrick Michael Vargas ng Quezon City, HB 1852 ni Rep. Rodante Marcoleta ng SAGIP Party-list, at HB 4040 ni Rep. Gus Tambunting ng Parañaque City.
Hinirang naman ng Komite si Committee Vice Chair at Bulacan Rep. Ambrosio Cruz, Jr. upang pamunuan ang TWG.