Naniniwala si House Committee on Ways and Means Chairman at Albay Representative Joey Salceda na sa bigas pa rin dapat ibuhos ang "gameplan" ng gobyerno upang tugunan ang bumibilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Reaksyon ito ni Salceda matapos sumipa sa 3.7 percent ang inflation rate para sa buwan ng Marso mula sa 3.4 percent na naitala noong Pebrero.
Sa isang statement, sinabi ni Salceda na 57 percent ng total inflation noong nakaraang buwan ay dulot ng food inflation.
Kung hindi aniya nagkaroon ng problema sa presyuhan ng bigas sa global market, nasa 3.1 percent lamang ang inflation rate ng Pilipinas lalo't bumababa na ang halaga ng mais, isda, gulay at asukal.
Binanggit din ng kongresista na naging agresibo na si Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel sa distribusyon ng rice production kung saan naabot na ang 92 percent ng target para sa makinarya, habang ang 12 billion pesos na rice farmer financial assistance ay matatapos na sa Hunyo.
Dagdag pa ni Salceda, makatutulong sa pagbaba ng presyo ng bigas ang ginagawang paglilinis sa National Food Authority.
Gayunman, aminado ang beteranong mambabatas na malaking banta sa inflation ang El Nino lalo't bigas ang pangunahing nangangailangan ng irigasyon.