Nanawagan si Tingog Party-list Representative Jude Acidre sa Philippine Health Insurance Corporation na taasan ang kanilang case rates ng 20 percent.
Ang case rate ay isang sistema na layong gawing madali ang reimbursement process para sa healthcare providers at tiyaking napapanahon at sapat ang suportang pinansyal sa mga pasyente.
Ngunit ayon kay Acidre, hindi nagagamit nang tama ang case rates dulot ng tumataas na gastusin sa healthcare services sa bansa.
Sa halip na makatulong ang sistema, lalo aniyang bumibigat ang dalahin ng mga pasyente dahil napipilitan silang magbayad ng malaking porsyento ng hospital bills kahit na nag-avail ng benepisyo sa PhilHealth.
Para sa Tingog Party-list, ang "across the board" 20 percent increase rate ang solusyon upang maibsan ang gastusin ng mga pasyente at matapatan ng mga benepisyo ang tumataas na bayarin sa serbisyong medikal.