Swimming pool, clubhouse kasama sa socialized housing ng Marcos admin
Hindi lamang bahay ang kasama sa socialized housing projects ng administrasyong Marcos kundi mayroon din itong amenities gaya ng swimming pool at club house, ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
“Masaya ako dahil hindi lang pala tirahan ng pamilyang Pilipino ang itinayo natin dito. May basketball court, swimming pool, clubhouse at iba pang amenities na dati’ymakikita lang sa mga subdivision at condominium,” ani Speaker Romualdez na ipinakilala ni House Committee on Appropriations Chairman Zaldy Co sa isinagawang site inspection sa housing project sa Barangay Guinayang II, San Mateo, Rizal.
“Ito ang pangarap ng ating Pangulo: Ang mabigyan ng disenteng tirahan ang mga Pilipino. Ang mabigyan sila ng karapatang mamuhay nang may dignidad. Ang manirahan kayong lahat sa isang komunidad na payapa at ligtas,” ani Speaker Romualdez.
Sa kanyang speech sa pagbisita sa Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) sa San Mateo, Rizal Housing Project, sinabi ng lider ng Kamara na sa kasalukuyan ay may 170,000 housing units na ginagawa sa Metro Manila na nakakalat sa 55 lokasyon.
Ito ay bukod pa sa libu-libong housing units na itinatayo sa Luzon, Visayas, hanggang sa Mindanao, kasama na ang 20 ginagawa na ngayon at nasa iba’t ibang yugto ng paggawa, ayon kay Secretary Jerry Acuzar ng Department of Human Settlements and Urban Development.
“This is the dream of our dear President: To provide housing for all Filipinos, to give them the dignity they deserve, for them to live a peaceful life in their chosen community where they have a decent livelihood and where everybody is safe from harm,” sabi ni Speaker Romualdez.
“Isa lamang ito sa napakaraming housing projects na ipinapatayo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa buong bansa. Malinaw po ang utos ng Pangulo: Tiyakin na may sapat na pondo ang lahat ng proyekto at programang inilaan niya para sa ikabubuti ng mga Pilipino,” dagdag pa nito.
Sinabi ni Speaker Romualdez na ang administrasyon ay nasa direksyon na matupad ang target nitong makapagtayo ng 1 milyong housing unit kada taon hanggang sa huling bahagi ng termino ni Pangulong Marcos sa 2028 upang matugunan ang 6.5 milyong housing backlog sa bansa.
“Ang kagandahan sa proyektong ito, ‘in-city resettlement’ ang ating ginagawa. Ibig sabihin, kung saang siyudad ka dati nakatira, doon ka rin hahanapan ng malilipatang bahay. Hindi natin inilalayo ang pamilya sa kanilang komunidad. Malapit pa rin sila sa kanilang trabaho at paaralan,” sabi pa ni Speaker Romualdez, kinatawan mula sa Leyte.
Kasabay nito, tiniyak ni Speaker Romualdez na ang Kongreso ay gagawa ng mga paraan upang masiguro na mayroong pondo ang DHSUD para sa mga proyekto nito bukod pa sa pondo na inilalaan ng mga government financing institutions gaya ng Pag-ibig fund na nanagako ng P250 bilyon sa socialized housing programs ni PBBM.
“Asahan niyo na hindi lamang Legacy Housing ang ihahatid sa inyo ng administrasyong Marcos. Nagpapahanap din siya ng pondo sa Kongreso para magtayo ng world-class Legacy Hospitals tulad ng Philippine Cancer Center sa Quezon City at Regional Specialty Hospitals sa mga pangunahing siyudad sa Pilipinas. Ang pangarap nating lahat, maipaabot ang serbisyo ng Heart Center, Lung Center, Kidney Center at Cancer Center sa bawat sulok ng bansa,” sabi pa nito.
“Para sa seguridad sa pagkain, meron din tayong tinatawag na Legacy Food Security program upang tulungan ang mga mga magsasaka na mapalaki ang kanilang ani. Itutuloy din natin ang mga programa para bigyan ng ayuda ang mga nangangailangan. Hindi po titigil ang Kongreso sa paglalaan ng pondo at paggawa ng mga batas. Gagawin natin ito para matupad ang pangarap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. – ang mabigyan ng masaganang bukas ang bawat pamilyang Pilipino sa isang ligtas at payapang bansa,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.
Hanggang noong nakaraang buwan, sinabi ni Acuzar na nakapaglabas na ang Pag-Ibig fund ng P761.5 milyon sa mga pribadong contractor na nagtatayo ng bahay sa ilalim ng 4PH programs sa Luzon, Visayas, at Mindanao, bukod pa sa pondo na inilabas ng mga bangkong pagmamay-ari ng gobyerno gaya ng Landbank, at state pension funds na GSIS at SSS. (END)