RESOLUSYON NA LILIKHA NG MGA DFA CONSULAR OFFICES SA ILANG BAHAGI NG BANSA, PINAGTIBAY SA KAPULUNGAN
Pinagtibay ngayong Biyernes ng Komite ng Foreign Affairs sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Pangasinan Rep. Ma. Rachel Arenas, batay sa istilo at amyenda, ang isang resolusyon na humihimok sa Department of Foreign Affairs (DFA) na magtatag ng regional consular offices sa ilang lugar ng mga mambabatas.
Ang nasabing resolusyon ay ipinanukala ni Arenas matapos na iparating sa mga miyembro na sa nakagawian, ay iuulat ng Komite ng Foreign Affairs ang mga panukala na may kaugnayan sa usapin sa pamamagitan ng mga resolusyon.
Ayon sa kanya, bahagi na ito ng mandato ng DFA sa ilalim ng Section 3 ng Executive Order 45 series of 2007.
Ang resolusyon ang pumalit sa House Bill 2772 na inihain ni Negros Occidental Rep. Mercedes Alvarez; HB 3440 ni Bohol Rep. Maria Vanessa Aumentado; HB 3714 ni Oriental Mindoro Rep. Alfonso Umali Jr.; at HB 3899 ni Leyte Rep. Richard Gomez.
Sa kanyang pambungad na mensahe, sinabi ni Arenas na napakahirap para sa mga Pilipino na makaakses sa mga pangunahing serbisyo ng pamahalaan, dahil bukod sa sobrang mahal ay nakakakonsumo rin ito ng mahabang oras.
“The aim of these measures is to bring the DFA’s frontline services closer to the people,” pahayag niya.
Samantala, inaprubahan ng lupon ang paglikha ng technical working group (TWG), upang mas higit pang talakayin ang mga panukala na naglalayong ayusin ang buwanang pensyon at mga disability benefits ng mga nagreretirong kawani ng DFA.
Ito ay ang mga HB 4826 ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez; HB 4916 at 4925 ni 1-PACMAN Party-list Rep. Michael Romero, Ph.D.; HB 4960 ni Pasig City Rep. Roman Romulo; HB 5033 ni Aklan Rep. Teodorico Haresco Jr.; HB 5047 ni Arenas; HB 5054 ni Iloilo City Rep. Julienne Baronda; HB 5210 ni Rep. Joseph Gilbert Violago; HB 5284 ni Rep. Gloria Labadlabad; HB 5320 ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez; HB 5502 ni Rep. Bienvenido Abante; HB 5548 ni Rep. Ma. Cynthia Chan; HB 5679 ni Bohol Rep. Edgar Chatto; HB 5930 ni Rep. James Ang, Jr.; HB 5947 ni Rep. Antonio Albano; at HB 6108 ni Negros Occidental Rep. Jose Francisco Benitez.
Sinabi ni Arenas na ang mga panukala ay naglalayong mabigyan ng maayos na kompensasyon ang mga retiradong Philippine Foreign Service Officers at personnel, dahil sa kanilang dedikasyon sa serbisyo bilang mga pangunahing ahente sa pagsusulong mga interes ng Pilipinas, pagsasaayos ng ugnayang panglabas, at ang pinakamahalaga ay ang proteksyon ng mga kababayang naninirahan at nagtatrabaho sa ibayong dagat.
“Often their duties involve risking their life and limb, so as our way of showing our gratitude towards our diplomats and other DFA personnel, we will closely review and consider this measure” ayon kay Arenas.
Hinirang si Committee on Foreign Affairs Vice Chair at Rizal Rep. Emigdio Tanjuatco III bilang chairman ng TWG.