Nakikita ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na ang Pilipinas ay dadagsain ng tsunami ng mga pamuhunan mula sa Japan, sa lubos na interes na kanilang ipinakita sa potensyal na ekonomiya ng bansa, na inudyukan ng opisyal na pagbisita ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" R. Marcos sa Tokyo.
Sa panayam ng mga miyembro ng Philippine media sa Hotel Okura sa Tokyo, Biyernes ng gabi, sinabi ni Romualdez na ang uri ng positbong tugon mula sa pamahalaan ng Japan at mga negosyante ay lumagpas sa inaasahan ni Pangulong Marcos, na resulta ng kanyang opisyal na pagbisita sa Japan.
“I think he’s thrilled. In fact I think he’s overwhelmed because there’s just this---I don’t know what’s the word---parang me tsunami ng interest; not just interest but commitments, not just from existing Japanese investors and businesses but even new ones,” ani Speaker Romualdez.
“So I don’t see why we won’t be getting a deluge---or kumbaga tsunami talaga---of investments and expansion of business opportunities,” dagdag niya.
Ang mas maraming foreign direct investments sa bansa ay mangangahulugan na paglalatag ng mga bagong puhunan, pagtatatag ng mga bagong negosyo, kabilang na ang mga karagadagang trabaho at oportunidad sa kalakalan para sa sambayanang Pilipino, ayon pa kay Speaker Romualdez.
Si Speaker Romualdez ay kasama ni Pangulong Marcos, nang hinikayat ng Punong Ehekutibo ang mga Japanese business leaders, sa idinaos na Philippine Business Opportunities Forum noong Biyernes, na mamuhunan sa Pilipinas, kasama ang pangako ng isang malakas na macro-economy, liberal business policy, at massive infrastructure development agenda.
Nauna nang binanggit ni Speaker na may 35 investment agreements na sumasakop sa maraming uri ng kooperasyon sa negosyo ang nilagdaan sa pagitan ng mga pamahalaan ng Pilipinas at Japan, at iba’t ibang kompanya, na sinaksihan ng Pangulo habang nilalagdaan ang mga naturang Letters of intent (LOI).
Inanunsyo rin ni Pangulong Marcos na ang okasyon sa pagrereto ng mga negosyo na inayos ng Department of Trade and Industry (DTI) para sa 85 kompanya sa Pilipinas ay nagresulta sa mahigit na 255 pagpupulong sa kanilang mga Japanese counterparts.
Inilahad rin ni Romualdez na ayon sa ulat ng Department of Finance (DoF) at ng Department of Trade and Industry (DTI), maraming negosyanteng Hapon ay nagpahayag ng interes na makilahok sa mga aktibidad na nakatakda sa pagbisita ng Pangulo, subalit hindi lahat ay mapagbibigyan dahil sa limitadong kapasidad ng mga pagdarausan.
Dahil sa lubos na interes na ipinakita sa Pilipinas bilang isang karampatang destinasyon sa pamuhunan, sinabi ni Romualdez na malaki ang kanyang tiwala ng “incredible” business prospects na nagresulta sa pagbisita ni Pangulong Marcos sa Japan.
Isang halimbawa, binanggit niya na isang Japanese firm na ka-partner ng Aboitiz ay hindi lamang magdadala ng bagong teknolohiya sa Pilipinas para sa mga bagong mapagkukunan ng enerhiya, ngunit tiniyak rin na mamumuhunan ng tinatayang isa’t kalahating bilyong dolyar sa sektor ng enerhiya sa bansa.
“So that’s just like one company. Can you imagine how many companies we engaged? We engaged literally hundreds,” ani Romualdez, na kabilang sa mga mambabatas na kasama sa opisyal na delegasyon para sa opisyal na pagbisita ni Pangulong Marcos sa Japan.
Nauna nang sinabi ng Pangulo na kagyat na makakatulong ang mga mambabatas na matugunan ang anumang alalahanin ng mga potensyal na mamumuhunan na ilalatag, hinggil sa mga kasalukuyan o nakabinbing lehislasyon sa Pilipinas na nakakaapekto sa negosyo.
Noong Huwebes, nilagdaan din ng Pilipinas at Japan ang pitong pangunahing kasunduan na sinaksihan nina Pangulong Marcos Jr. at Prime Minister Fumio Kishida, na ayon sa Japanese leader ay, “confirm the broadening and deepening of the bilateral relations” sa pagitan ng dalawang bansa.
Ang pitong kasunduan ay sumasakop sa iba’t ibang nagkakasundong kooperasyon, kabilang ang humanitarian assistance, disaster relief, infrastructure, agriculture, at digital cooperation. #
wantta join us? sure, manure...