PITO SA BAWAT SAMPUNG PILIPINO ANG HANDANG IPAGLABAN ANG BANSA SAKALING SUMIKLAB ANG HIDWAAN LABAN SA MGA DAYUHAN-REP BARBERS
Sawa at pagod na ang mayorya ng mga Pilipino sa pambu-bully at pag-atake ng China sa West Philippine Sea.
Ito ang paniniwala ni Surigao del Norte Second District Representative Robert Ace Barbers batay sa lumabas na survey ng AFP-OCTA Research kung saan pito sa bawat sampung Pinoy ang handang ipagtanggol ang bansa sakaling sumiklab ang hidwaan laban sa kaaway na dayuhan.
Sinabi ni Barbers na bagama't hindi direktang binanggit sa survey ang sigalot sa WPS, malinaw na mataas ang kamalayan ng mga Pilipino sa isyu at dismayado sa mga hakbang ng China sa rehiyon.
Ayon kay Barbers, likas na matimpiin o matiisin ang mga Pinoy ngunit kapag umabot sa sukdulan ang pasensya ay hindi na dapat minamaliit.
Paliwanag pa ni Barbers, sa kasalukuyan ay wala namang ibang nakakaalitan ang Pilipinas maliban sa territorial dispute sa China.
Sinasalamin umano ng OCTA survey ang pagiging makabayan at pagmamahal ng mga Pilipino at ang kahandaang lumaban sa harap ng external threats ay nagpapakita ng katatagan, tapang at pagkakaisa.
Iginiit ng kongresista na marapat na itaguyod ang kamalayan sa pambansang seguridad dahil nagdudulot ito ng decisive na hakbang laban sa anumang banta sa lipunan.