Tuesday, January 30, 2024

medAff PANUKALA SA PINALAWIG NA PH SCIENCE HS SYSTEM, PASADO SA IKALAWANG PAGBASA


Inaprubahan ng Kapulungan ng mga Kinatawan, sa pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ngayong Martes, sa ikalawang pagbasa ang House Bill No. 9726, na naglalayong patatagin ang pamamahala at pangangasiwa ng Philippine Science High School (PSHS) System. 


Layon ng panukala na pataasin ang akses ng mga mag-aaral sa isang libre, kalidad at kumukumpitensya sa pandaigdigang edukasyon, upang ang bansa ay magkaroon ng mas maraming  propesyonal na sinanay sa agham, teknolohiya, at pagbabago. 


Tutulong ang panukala na maitatag ang kahit dalawang PSHS campus sa bawat rehiyon, ngunit isang campus lamang sa bawat lalawigan. 


Bibigyang kapangyarihan ang PSHS Board of Trustees na magpaunlad ng criteria, polisiya, at tuntunin na kinakailangan para mapairal ang kalidad at pantay na pamantayang pang-edukasyon sa lahat ng campus. 


Isinasaad sa panukala na maglalaan ng trust fund na lilikhain para kumita mula sa mga makokolektang bayad  na gagamitin sa pagpapatupad ng mga prayoridad na programa at aktibidad. 


Kinilala ni Committee on Science and Technology chairperson Rep. Carlito Marquez (1st District, Aklan), na siyang nag sponsor ng panukala, na ang agham, teknolohiya, at mga pagbabago ay napakahalaga sa pambansang paglago at kaunlaran. 


Binanggit niya na ang PSHS System ay nagresulta na sa maraming kabataang Filipino scientists, mananaliksik, at nation builders. 


“We need to strengthen the PSHS System to ensure that we have a huge supply of quality Filipino scientists in the making, who shall serve the country, and for them to become at par with the best in the world,” dagdag niya. 


Samantala, pinagtbay ng Kapulungan ang: 1) House Resolution (HR) No. 1502, na humihimok sa Kagawaran ng Edukasyon na isama ang foreign language studies sa K to 12 Basic Education Program, upang maturuan ang mga mag-aaral ng mga dayuhang wika bukod sa English, at mahikayat sila na pag-aralan ang mga ito bilang karagdagang kasanayan upang makakuha ng trabaho sa pandaigdigang merkado ng paggawa; 2) HR 1505, na bumabati at pumupuri  sa Filipino powerlifter na si Mark Jason Galauran, sa pagwawagi ng medalyang pilak sa 2023 International Powerlifting Federation World Classic at Equipped Sub Junior and Junior Powerlifting Championships; at 3) HR 1512, na humihimok sa Kagawaran ng Transportasyon na madaliin ang pagpapatupad ng Phases 2 at 3 ng Toll Interoperability Project, at buhayin ang DOTr Department Order No. 2020-12, na tumutulong sa episyenteng operasyon ng mga pasilidad ng tollway. Pinangunahan ni Deputy Speaker Kristine Singson-Meehan presided ang sesyon sa plenaryo ngayong Martes.

wantta join us? sure, manure...

medAff PAGSISIYASAT SA PAGPAPATUPAD NG MGA BENEPISYO PARA SA MGA SENIORS AT PWDs, IPINAGPATULOY


Upang matiyak na ang mga senior citizens at mga persons with disabilities (PWD) ay hindi napapabayaan, ipinagpatuloy ng magkasanib na lupon sa Kapulungan ng mga Kinatawan ngayong Martes ang pagsisiyasat sa mga puwang sa pagpapatupad ng Magna Carta for Disabled Persons, ang Expanded Senior Citizens Act, at iba pang mga polisiya sa mga diskwento, insentibo, at mga tax exemption. 


Ang magkasanib na lupon na kinabibilangan ng Komite ng Ways and Means na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, Komite ng Senior Citizens na pinamumunuan ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo Ordanes at ng Espesyal na Komite ng Persons with Disabilities na pinamumunuan ni Agusan del Sur Rep. Alfelito Bascug, ay ipinagpatuloy ang pagkuha ng mga input sa mga establisimyento, na nakatanggap ng mga reklamo hinggil sa mga naturang  benepisyo at mga espesyal na pribilehiyo. 


Tiniyak ng abogadong si Peng Juco, na kumakatawan sa Goldilocks Bakeshop Inc., ang mga mambabatas na ang kompanya ay ganap na tumutupad sa batas. 


Ayon kay Juco, bagamat ang mga cake at pastries ay hindi sakop ng 20% na diskwento, ay nagbibigay ang Goldilocks ng 5% diskwento sa mga slices at piling pastries. Sinabi ni Leyte Vice Governor Leonardo Javier Jr., nagtatag ng Andok’s, na ang kanilang kompanya ay tumutupad rin sa batas, ngunit nakakaranas rin sila ng pag-abuso sa benepisyo ng ilang indibidwal. 


Isinusulong ni ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo ang pagbabago sa mga umiiral na batas na ipinatupad, mahigit isang dekada na ang nakakaraan, at isama ang iba pang mga serbisyo tulad ng on ride-hailing at mga app sa delivery ng mga pagkain. 


Hinimok ni Tulfo ang Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) na ganap na tugunan ang mga reklamo at iminungkahi na makipag-ugnayan ang OSCA sa mga lokal na tanggapan ng Business Permits and Licensing Offices (BLPO) sa pagpapataw ng parusa sa mga umaabusong establisimyento. 


Para kay Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo, iginiit niya ang panawagan sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na paunlarin ang kanilang sistema sa mahusay na pagmomonitor ng mga tax deductions mula sa mga nasabing diskwento. 


Hiniling niya rin ang mga datos mula sa PhilHealth sa kasaluluyang bilang ng mga inisyung IDs sa mga seniors, gayundin ang itinakdang panahon sa pamamahagi ng lahat ng IDs sa bawat senior citizen sa bansa. 


Ayon kay Salceda, pag-aaralan din ng lupon kung paano maibabahagi ang mga insentibo sa mga senior citizen na manggagamot. 


Samantala, patuloy na inaayos ng technical working group ang isang panukala na tutugon sa mga puwang sa pagpapatupad at paunlarin ang serbisyo sa mga seniors at PWDs, batay sa ulat ng Komite ng magkasanib na lupon.

wantta join us? sure, manure...

medAff Sinagot na ni Speaker Martin Romualdez ang naging pahayag ni Sen. Imee Marcos sa ginanap na pagdinig ng senado kaugnay sa isinusulong na Peoples Initiative bilang paraan para amyendahan ang 1987 Constitution.


Sa isang pahayag sinabi ni Speaker na hindi dapat humantong sa bastusan bagkus bukas ito para sa isang makabuluhang pag-uusap at talakayan. 


Ayon kay Speaker sasagutin niya ng may pinaka mataas na respeto at civility ang pahayag ni Sen. Marcos.


Sinabi ni Romualdez na ang ugnayan ng pamilya sa pulitika ng Pilipinas ay malalim na nakaugat, at bagama't hindi maiiwasan ang mga pagkakaiba sa mga opinyon, mahalagang lapitan ang mga pagkakaibang ito nang may diwa ng nakabubuo na diyalogo at paggalang sa isa't isa.


Hindi nagustuhan ni Speaker ang pahayag ni Sen. Imee na "Walang gamot sa kakapalan ng mukha mo."


Aniya pareho silang public servant ng kaniyang pinsan na ang kanilang pokus ay ang kapakanan ng sambayanang Pilipino.  


Pakiusap ni Speaker kay Sen Marcos na hindi na kailangan humantong sa bastusan dahil nakatutok at pinakikinggan ito ng mga kabataan at hindi ito  magandang ehemplo.


Binigyang-diin ni Romualdez na sa ngalan ng pakikiisa, bukas ito makipag pulong kay Sen Marcos para tugunan ang mga isyu na ikagagamda ng bansa.


Hiling ni Speaker tapusin na ang bangayan, magtrabaho na para sa kapakanan ng mga kapwa Pilipino.


wantta join us? sure, manure...

isa Handa ang Kamara na makipag-sandugo o “blood compact” sa Senado, para sa Charter Change o Cha-Cha.


Ito ang sinabi ni House Majority Leader Manuel Jose Dalipe sa isang pulong balitaan kanina.


Muli niyang hamon sa Senado, ipasa na ang Resolution of Both Houses no. 6 na nagsusulong ng pag-amyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution, at tiyak na i-a-adopt ito ng Kamara.


Ani Dalipe, hindi na makikipag-debate pa ang Kamara, at wala na ring tanong-tanong.


Dagdag ni Dalipe, kung gusto raw ng Senado ay i-transmit o ipadala ng Senado sa Pebrero ang RBH no. 6, at okay na rito ang mga kongresista.


Ayon kay Dalipe, sa loob ng maraming dekada ay palaging hinaharang ng Senado ang Cha-Cha na sinisimulan ng Kamara. Kaya ngayon aniya ang magandang panahon para maamyendahan na ang Konstitusyon.


Nauna nang sinabi ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na pagtitibayin ng Kamara ang RBH no. 6, sa oras na aprubahan ito ng Senado.


wantta join us? sure, manure...

isa Patuloy na nadadagdagan ang mga kasapi ng Lakas-CMD sa Mababang Kapulungan.


Ngayong Martes, pinangunahan ni Lakas-CMD President at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, kasama sina House Majority Leader Manuel Jose Dalipe at Pampanga Rep. Gloria Arroyo ang oath taking ng dalawang bagong miyembro ng partido.


Sila ay sina Iloilo 1st district Rep. Janette Garin, at La Union 2nd district Rep. Dante Garcia.


Si Garin ay mula sa National Unity Party o NUP, habang si Garcia ay galing naman sa People’s Reform Party o PRP.


Dahil naman sa panunumpa ng dalawa, aabot na sa siyamnapu’t apat (94) ang mga miyembro ng Lakas-CMD sa Kamara.


wantta join us? sure, manure...

isa Naghain si Leyte 4th district Rep. Richard Gomez ng isang resolusyon na humihimok sa Commission on Elections o Comelec na i-update at linising mabuti ang listahan ng mga botante sa buong bansa. 


Sa kanyang House Resolution 1542 --- ipinunto ni Gomez na mahalagang gawin ito ng Comelec bago ang resumption o muling pagbubukas ng “voter registration” para matiyak ang isang malinis, tapat at mapagkakatiwalaang Eleksyon 2025. 


Dagdag ni Gomez, batid naman ng lahat na ang kasalukuyang listahan ng mga botante ay may mga pangalan pa rin ng mga namatay na, o kaya’y “flying voters at multiple registrants.” 


Batay sa anunsyo ng Comelec, ipagpapatuloy ang voter registration simula Feb. 12 hanggang Sept. 30, 2024. 


Nakatakda ring ipatupad ng poll body ang “Register Anywhere Program” o RAP, bilang parte ng electoral reforms. 


Pero giit ni Gomez, magtatagumpay lamang ang sistema kung mayroong malinis na “certified list of voters.”


wantta join us? sure, manure...

SUBSTITUTE BILL SA EDUCATION PATHWAYS, APRUBADO


Inaprubahan ng Komite ng Basic Education and Culture sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Pasig City Rep. Roman Romulo ngayong Lunes, ang substitute bill sa House Bill 7893, na nagbibigay ng education pathways sa mga mag-aaral ng basic education. 


Idinideklara ng panukala na titiyakin ng estado ang mga oportunidad para sa mga Pilipino, anuman ang kanyang edad, kalagayan sa lipunan, lahi, kapansanan, at  asosasyon, upang makamit nito ang pinakamalaking potensyal, at palakasin ang kakayahan sa pagtatrabaho, sa pamamagitan ng pagtatatag ng inklusibong education pathways na magbibigay kapangyarihan sa mga mag-aaral, ng higit na kakayahan na kinakailangan para sa kolehiyo o trabaho. 


Isinasaad sa panukala  na ang mag-aaral na makakakumpleto ng  Junior High School ay makakapili sa pagitan ng dalawang education pathways: ang University Preparatory Program sa ilalim ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), o ang Technical-Vocational Program sa ilalim ng Technical Education Skills Development Authority (TESDA). Pauunlarin at ipatutupad ng DepEd ang isang komprehensibong  kurikula para sa Grade 11 at 12 na inihahanda ang mga mag-aaral para matanggap sa mga kolehiyo at pamantasan. 


Ang TESDA at mga industry boards, partners, mga dalubhasa at mga practitioners, kabilang na ang mga small and medium enterprises, ay magpapaunlad at mag-aalok ng iba't ibang uri ng mga programang technical-vocational, batay sa industry-driven at industry-approved na kurikula na dinisenyo, upang gawaran ang mga mag-aaral ng mga praktikal na kaalaman at kakayahan na kapantay ng pamantayan ng industriya. 


Ilan sa mga may-akda na panukala ay sina Romulo at dating pangulo at ngayo'y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo. 


Samantala, inaprubahan rin ng Komite ang pagsasama ng mga HBs 8508 at 8550, at House Resolution 940, sa isang House resolution na nagpapahayag ng pananaw ng Kapulungan na ang academic calendar ay dapat na ibalik sa dating academic calendar, na nagsisimula sa buwan ng Hunyo at nagtatapos sa buwan ng Marso.

wantta join us? sure, manure...