PAGDAGDAG NG EDCA SITES, SUPORTADO SA KAMARA
anne
Mindanaon solon suportado ang dagdag na EDCA sites kabilang ang Pag-asa Island
Suportado ni Cagayan de Oro 2nd District Representative Rufus Rodriguez na palawakin o i-expand ang Philippine-US Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Paliwanag ng beteranong mambabatas, ito ay ang ating pambansang interes para paigtingin ang partnership sa Estados Unidos na layong hadlangan ang anumang posibleng pagsalakay mula sa China sa West Philippine Sea at posibleng pag-agaw ng Chinese sa mga islet na pag-aari ng ating bansa sa ilalim ng International law.
Nais din ni Rodriguez na mapabilang o dapat masakop sa expanded EDCA sites ang mga lugar kung saan may nagaganap na pambu bully o panggigipit ng mga Chinese sa mga Pilipinong mangingisda.
Dahil dito, iminumungkahi ng Mindanaon solon na ang Pag-asa Island na matatagpuan sa Palawan ay mapabilang din sa expanded EDCA sites.
Sa ngayon hindi pa natukoy ang apat na karagdagang mga site na kasama sa EDCA plus.
Ang limang kasalukuyang lokasyon ay Antonio Bautista Air Base sa Palawan, Basa Air Base sa Pampanga, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Mactan-Benito Ebuen Air Base sa Cebu, at Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro City.
Suportado din nito ang Philippine Air Force base sa dating Lumbia airport sa Cagayan de Oro City.
Umaasa ang mambabatas na maglalaan ng pondo ang US government para lalo pang ma develop at ma fully capacitate ang nasabing air base.
Dagdag pa ng beteranong mambabatas na ang free ports sa Subic, Zambales at Clark sa Angeles City, Pampanga, na mga dating US military bases ay dapat maging parte ng EDCA training-exercises at humanitarian activities.
“The presence of the US in the former US Navy base in Subic could deter Chinese Coast Guard and military vessels from driving away our fishermen from their traditional fishing grounds in Scarborough or Panatag Shoal, or Bajo de Masinloc, which is near Zambales and Pangasinan,” wika ni Cong. Rodriguez.
Sinabi ni Rodriguez ang pinalawak na kooperasyon sa depensa sa West Philippine Sea ay dapat mag-udyok sa administrasyong Marcos na payagan at suportahan ang oil exploration at gas sa Reed Bank malapit sa Palawan.
Napag-alaman na ang Reed Bank o Recto Bank ay iniulat na may hawak na mas maraming reserbang langis at gas kaysa sa Malampaya natural gas project, na matatagpuan din sa Palawan.
Sa ngayon, isang lokal na kumpanya na may mga dayuhang kasosyo ang may hawak ng kontrata ng serbisyo para sa paggalugad ng langis at gas sa Recto Bank.