NAKA-AMBANG PAGPAPATUPAD NG WATER RATE HIKE NG MANILA WATER AT MAYNILAD, IPINANAWAGANG SUSPENDEHIN
Nananawagan ang Makabayan Bloc sa Kamara at Senado, na agarang suspendehin ang Water rate hike na nakatakdang ipatupad ng Manila Water at Maynilad ngayong buwan.
Sa HR No. 17 ng nasabing partylist group, nakasaad na dapat agarang pigilan at suspindehin ang taas singil sa tubig bunsod narin ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, paghina ng ekonomiya dahil sa pandemya, at kawalan ng sapat na kita ng mga ordinaryong manggagawa.
Nababahala ang naturang mga solon na kapag natuloy ang implementasyon ng pagsirit ng bayarin sa tubig, lalo lamang na malulugmok sa kahirapan ang mga dating naghihirap na mga Pilipino.
Nakapaloob din sa resolusyon na binigyan ng “green light” ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS ang dagdag singil ng Manila Water at Maynilad sa susunod na limang taon magsisimula ngayong buwan hanggang 2027.
Inaprubahang noong November 2022 ng MWSS board ang “rate rebasing adjustments” ng dalawang water concessionaire.
Banat ng Makabayan na noong simulan ng MWSS ang privatization noon taong 1997, nagkaroon na ng monopolya ang water concessionaires na naging dahilan ng labis-labis na paglaki ng kanilang kita dahil sa ipinapataw nilang “overcharging” sa kanilang mga costumer.
Sa kabila ng rate increase, marami pa ring mga costumer ang nagrereklamo sa kalidad ng tubig, hindi maayos na serbisyo, may mga serye ng service interruptions at iba pang mga aberya.