ANTI-TERORRISM SIMULATION DRILL, IDINAOS NG KAMARA
Nagdaos ang Kaamara kamakailan (noong Lunes) ng isang anti-terrorism exercise, upang matiyak ang kahandaan ng kanilang security contingent, sa pakikipag-ugnayan sa iba pang nagpapatupad ng batas at mga may kaugnayang ahensya upang tugunan ang anumang posibilidad ng pagbabanta.
Pinangunahan ni Retired PMGEN Napoleon C. Taas, ng Sergeant-at-Arms ng Kapulungan ng mga Kinatawan ang security exercise ng composite security forces.
Ang Sergeant-at-Arms ang responsable sa pagmamantine ng kaayusan sa Kapulungan ng mga Kinatawan, pagpapatupad ng House Rules, at ang proteksyon ng buhay ng mga opisyal at mga Miyembro ng Kapulungan, ang kanilang mga kawani at mga panauhin, kabilang na ang mga ari-arian at kagamitan sa loob ng Batasan building complex.
“We conducted the anti-terrorism security exercise upon the instruction of Speaker Martin G. Romualdez,” ani Taas.
“The Speaker wants to ensure that our internal security forces can work seamlessly with law enforcement authorities to effectively address any threats directed against the House of the People,” dagdag ni Taas.
Bukod dito, sinabi ni Taas na sa isinagawang security exercise, ay sinubok ang mga kakayahan, inter-operability, at pagiging sapat hindi lamang ang kakayahan ng mga lumahok na kawani, kungdi maging ang kanilang mga sandata at sistemang pang-komunikasyon na kinakailangan para matugunan ang anumang banta sa seguridad.
Ilan sa mga contingent na lumahok sa anti-terrorism drill ay ang mga kawani ng Legislative Security Bureau (LSB), ang nagpapatakbo ng Tanggapan ng Sergeant-at-Arms; mga kawani ng QCPD Crowd Disturbance Management at Police Security Protection Group of the Philippine National Police (PSPG-PNP), Joint Anti-Terror Task Force-National Capital Region (JTF-NCR) of the Armed Forces of the Philippines (AFP), kabilang na ang mga kawani ng pribadong security agency na nagsisilbi sa Kapulungan ng mga Kinatawan.
Sumuporta rin sa anti-terrorism drill ang mga kawani ng Bureau of Fire Protection (BFP), kasama ang mga medical personnel ng Kapulungan.
Ayon kay Taas, ang anti-terrorism drill ay isa lamang sa maraming security exercises na regular na isinasagawa upang higit pang pahusayin ang kahandaan ng mga security forces, para matiyak na ang Kapulungan ay may sapat na proteksyon mula sa anumang pagbabanta, upang pigilan ang kanilang mandato na makapaglingkod sa sambayanang Pilipino.