Mariing pinasinungalingan ni Leyte Representative Richard Gomez ang mga alegasyon na inalok umano ng tig-dalawampung milyong piso ang mga kongresista upang magpapirma para sa People's Initiative na magsasakatuparan sa pag-amiyenda sa Konstitusyon.
Ayon kay Gomez, walang katotohanan ang akusasyon dahil hindi naman kailangang bayaran ang mga mambabatas pagdating sa pagsusulong ng constitutional reforms na makatutulong sa ekonomiya at sa pagpapabuti ng buhay ng mga Pilipino.
Handa rin si Gomez na maging frontliner sakaling atasan para sa pagbabago ng Saligang Batas na magbibigay-daan umano sa pag-akit ng foreign investments, pag-streamline sa bureaucratic processes at pagtataguyod ng business-friendly environment.
Ang mga ito aniya ay magkakaroon ng kontribusyon sa paglikha ng trabaho, pagsugpo sa kahirapan at paglago ng ekonomiya.
Kung titingnan, mas matatalakay pa umano sa constitutional reforms ang political at social concerns tulad ng political dynasties, korapsyon at pagprotekta sa karapatang pantao.
Giit pa ng kongresista, kung mayroon mang natatakot sa pag-amiyenda sa Konstitusyon, ito ay ang mga pulitikong ang paniniwala ay babaguhin, paiiksiin o ibabasura ang kanilang term limits na maituturing umanong makasarili.