DAYALOGO SA PAGITAN NG MGA STAKEHOLDER PARA MASOLUSYUNAN ANG KAKULANGAN NG MGA NURSE SA MGA OSPITAL, IMINUNGKAHI SA KAMARA
Iminungkahi ni House Committee on Labor and Employment Chairman at Rizal Rep. Fidel Nograles ang pagsasagawa ng dayalogo sa pagitan ng mga kinauukulang ahensya at stakeholders para hanapan ng solusyon ang kakulangan ng nurse sa mga government hospitals.
Ginawa ito ni Nograles sa harap ng isinusulong ni Health Secretary Ted Herbosa na bigyan ng pansamantalang lisensya ang mga nursing board takers na nakakuha ng score na 70 to 74% para matugunan ang kakulangan ng nurse sa bansa.
Binanggit ni Nograles na bukod sa umani ng kritisismo mula sa iba’t ibang sektor ang mungkahi ni Herbosa ay nilinaw na rin ng Professional Regulation Commission na hindi pwedeng bigyan ng temporary o special license ang nursing graduates na bumagsak sa board exam.
Mariing sinabi ni Nograles na sa pamamagitan ng dayalogo ay mailalatag ang mahusay na estratehiya at pangmatagalang solusyon sa problema.
Ayon kay Nograles, paraan din ito para mapag-usapan ng mabuti ang mga isyu gaya ng nurse to patient ratio, working hours, sweldo, at iba pa.