PAG-IIMPRENTA NG MGA MATERYALES PARA SA SONA, TINIYAK NG KAPULUNGAN NA TATAPUSIN HANGGANG IKA-23 NG HULYO
Tiniyak kahapon (ngayong Martes) ni Printing and Reproduction Service Director Edwin Avenido sa Kamara, na lahat ng mga materyales na kailangang maimprenta para sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.’s ay matatapos sa Linggo, ika-23 ng Hulyo.
Iniulat ni Avenido na nasa 100% na ng mga inimprenta tulad ng mga imbitasyon, IDs, car passes, at SONA programs, ang natapos na ng kanilang tanggapan at ipinamamahagi na, kasama ang iba pang mga printing requests mula sa mga mambabatas at ng House secretariat.
Samantala, nakahanda umano silang mag overtime kung kinakailangan, upang matiyak na ang mga kopya ng 19th Congress Legislative Performance Report ay makukumpleto hanggang sa Linggo.
Tiniyak rin ni Director Avenido na nakahanda ang mga suplay at kagamitan ng Printing and Reproduction Service sakaling may mga karagdagan pang iimprenta ang Kapulungan.
Binangit niya rin na ang mga technician ay laging handa at naka istambay upang maayos na matugunan ang mga usapin sa mga makinarya.