MOTO PROPRIO INVESTIGATION SA ISYU NG 990 KILOS NA SHABU NA NASAMSAM SA OPISINA NI SGT MAYO, AARANGKADA NA
Nakatakda ngayong araw na ito ang imbestigasyon hinggil sa napaulat na cover-up ng ilang opisyal ng Philippine National Police sa P6.7 billion shabu fiasco batay sa HR00495 na inihain mismo ni Surigao del Norte Rep. Ace Barbers, ang Chairman House Committee on Dangerous Drugs.
Bahagi ito ng motu proprio inquiry ng komite sa nabunyag na drug recycling.
Buwan ng Oktubre nang nakaraang taon nang masamsam ng pulisya ang nasa 990 kilos ng shabu na nakatago sa opisina ng lending company ni dating Police Master Sgt Rodolfo Mayo ng PNP Drug Enforcement Group.
Sinabi ni Barbers na kanilang inimbitahan sa pulong ang higit apatnapung PNP officials na sinasabing sangkot sa isyu.
Nagpaabot din ang komite ng imbitasyon kay Mayo.
Magkagayonman, hindi pa rin tiyak kung mapapahintulutan dumalo si Mayo, kahit via teleconferencing dahil nasa kustodiya na ito ng BJMP sa Camp Bagong Diwa simula pa noong Diyembre.
Para kay Cong Barbers, malaking bagay kung makakadalo si Mayo upang mas mabigyang linaw ang isyu.
Posibleng abutin ng isa hanggang dalawa pang imbestigasyon ang komite bago magkaroon ng rekomendasyon sa isyu ng drug recycling.