Nangangamba ang Social Security System sa posibilidad na itaas ang kontribusyon ng overseas Filipino workers sakaling lumikha ng hiwalay na pension system para sa kanila.
Sa initial deliberations ng House Overseas Workers Affairs Committee ukol sa House Bills 176 at 5902 o ang pagtatatag ng OFW Social Security and Retirement System, sinabi ni SSS Vice President for Actuarial Services Division Gilby Oribello na mayroon silang "reservations" pagdating sa mas maagang retirement age ng OFW na 45 hanggang 50 years.
Maaaring lumampas aniya ang 14 percent contribution ng OFWs na miyembro ng SSS dahil maaapektuhan ang sustainablity ng pension fund.
Bagama't batid ng SSS na ang layunin ng mga panukala ay itaguyod ang kapakanan ng overseas Filipinos, may mga short at long-term na programa naman para sa kanila.
Kabilang na rito ang Workers' Investment and Savings Program at ang mga pinasok na social security agreements sa ibang bansa para maprotektahan ang social security rights ng OFWs.
Aminado rin ang SSS na malaking hamon para sa kanila na mula sa 1.3 million OFW members ay nasa kalahating milyon lamang ang aktibo at regular na nagbabayad ng kontribusyon.