MGA PANUKALANG BATAS NA MAGTATATAG NG MGA TANGGAPAN NG LTO, MARINA AT LTFRB, INAPRUBAHAN NG KOMITE; IMBESTIGASYON HINGGIL SA PROYEKTONG DUAL I.T. SYSTEM NG LTO, ISINAGAWA
Inaprubahan ngayong Miyerkules ng Komite ng Transportasyon sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Antipolo City Rep. Romeo Acop ang mga panukalang batas na magtatatag ng mga rehiyonal, o karagdagang tanggapan ng Maritime Industry Authority (MARINA) sa iba't ibang bahagi ng bansa. Ito ay ang House Bills 732, 733, 734, 1838, 3501 at 5108, na iniakda nina MARINO Rep. Sandro Gonzalez, Zamboanga del Norte Rep. Adrian Michael Amatong, Agusan del Norte Rep. Dale Corvera at Bataan Rep. Albert Garcia, ayon sa pagkakabanggit.
Pinagtibay din ng Komite ang HBs 293 at 1126, na naglalayong magtatag ng mga tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Bacolod City at Cataingan, Masbate. Ang mga panukala ay iniakda ni Bacolod City Rep. Greg Gasataya at Masbate Rep. Wilton Kho, ayon sa pagkakasunod.
Bukod pa rito, inaprubahan ng Komite ang HBs 1839, 2629, 3401, 3916, 3947, 3948 at 4275, na naglalayong magtatag ng mga tanggapan ng distrito ng Land Transportation Office (LTO) sa ilang mga lugar; gayundin ang HBs 1823, 3070, 3100, 3522 at 4614, na naglalayong gawing regular na opisina ng distrito ang mga karagdagang tanggapan ng LTO.
Nagsagawa rin ang Komite ng imbestigasyon, hinggil sa hindi kinakailangan at walang kakayahang kontratista at proyekto ng Information Technology (IT) ng LTO.
Ang imbestigasyon ay batay sa House Resolution 279 na inihain ni BH Rep. Bernadette Herrera.
Ang ahensya ay nagkaroon ng kasunduan sa Stradcom Corporation sa pamamagitan ng isang Build-Own-Operate (BOO) na proyekto, at kalaunan ay ipinagpatuloy ng magkasanib na proyekto ng Dermalog Identification Systems, Holy Family Printing Corp., Microgenesis Solutions, Inc., at Verizontal Builders, Inc. na may kabuuang halaga ng kontrata na P3.19-bilyon.
Nais ng LTO na gawing digital ang mga sistema nito para sa mas mabilis na pagpaparehistro ng lisensya sa pagmamaneho at sasakyan, mas mahusay na koleksyon ng buwis, pagpapatupad ng batas, pagbuo ng database, at kasalukuyang impormasyon sa mga tanggapan nito.
Gayunpaman, sinabi ni Acop na nananatili pa rin ang mga problema sa serbisyo ng sistema, saklaw, pamamahala ng database, mga pagkaantala sa serbisyo, at mga tambak sa kabila ng mga pagsisikap na gawing digital ang sistema.
Sinabi rin ni Herrera na ang dalawang sistema ng IT mula sa magkaibang kontratista ay salungat sa interes ng publiko. Ipinaliwanag niya na may ilang mga rehiyon ang nagpatupad ng Land Transportation Management System (LTMS), samantalang ang iba ay hindi, na naglagay sa mga mamamayan na mapilitang magbayad sa dagdag singil.