REVOCATION NG PRANGKISA NG SMNI, DADAAN PA SA PAGPASA NG SENADO
Idadaan at kailangan pang aprubahan sa Senado ang panukalang magri-revoke o bawiin ang legislative franchise ng Swara Sug Media Corporation na nag-ooperate ng Sonshine Media Network International o SMNI.
Ito ang sinabi ni Paranaque City Rep. Gus Tambunting, chairman ng House Committee on Legislative Franchises.
Sinabi ni Tambunting na ang panukalang franchise revocation ay sasailalim sa regular na proseso ng pagsasabatas.
Ibig sabihin, kailangang basahin sa plenaryo ng Kamara, ipapasa sa ikalawa at ikatlong pagbasa, at pagkatapos ay dadalhin sa Senado.
Aprubado na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang House Bill 9710 na nagbabawi sa prangkisa ng SMNI.
Samantala, sinagot ni Tambunting ang panawagan ni Vice Pres. Sara Duterte na bigyan si Pastor Apollo Quiboloy ng “fair trial.”
Ayon kay Tambunting, nirerespeto niya ang pahayag ng pangalawang pangulo ngunit sila sa Kamara, ang pinag-uusapan nila ay ang prangkisa lamang ng SMNI.
Ang Kongreso ang nagbigay prangkisa nito, at ang Kongreso rin ang pwedeng bumawi nito.