Speaker Romualdez pinuri si PBBM sa $4.26B kasunduang nasungkit na lilikha ng 15,000 trabaho para sa mga Pilipino
Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa apat na kasunduang naselyohan sa pagitan ng mga kompanya sa Saudi at Pilipinas na umaabot sa US$4.26 bilyon ang halaga at inaasahang makalilikha ng 15,000 trabahong mapapasukan ng mga Pilipino.
Nasaksihan ni Pang. Marcos ang paglagda sa apat na kasunduan na tampok sa ginanap na roundtable meeting kasama ang mga negosyanteng nakabase sa Saudi noong Huwebes (oras sa Saudi) sa Regis Hotel sa Riyadh.
Nasa Saudi si Pang. Marcos para dumalo sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-Gulf Cooperation Council Summit.
Ang tinatayang P241 bilyon sa kasalukuyang palitan, ang halaga ng nilagdaang kasunduan ay mahigit kalahati ng P427 bilyong foreign investment na inaprubahan sa bansa mula Enero hanggang Setyembre 2023.
Ayon sa Bureau of Investments ang pamumuhunan na ito ay nakuha sa mga nakaraang biyahe ni Pang. Marcos.
“The signing of these agreements which promises a far-reaching impact on the Philippine economy and on the lives of our workers is a monumental achievement of Pres. Marcos,” ani Romualdez, lider ng mahigit 300 miyembro ng Kamara.
“This is the fruit of his tireless efforts in fostering economic ties with our partners in the international community and exemplifies his commitment to securing a brighter future for the Filipino people in line with his vision for a prosperous and globally competitive Philippines,” dagdag pa ni Romualdez.
Matatandaan na noong Nobyembre 2022 ay nagkaroon ng bilateral meeting sina Saudi Crown Prince at Prime Minister Mohammed bin Salman (MBS) at Pang. Marcos sa sidelines ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit na ginanap sa Thailand.
Matapos ang pagpupulong ay inanunsyo ni Pang. Marcos na mayroong naghihintay ng oportunidad na makapagtrabaho para sa mga Pilipino sa Saudi.
Ayon sa Saudi Crown Prince, sinabi ng Pangulo na plano ng Saudi na dagdagan ang mga foreign worker sa kanilang bansa sa mga susunod na taon upang matugunan ang pangangailangan ng Middle Eastern kingdom.
Nangunguna sa apat na kasunduang nilagdaan ang US$3.765 bilyon sa pagitan ng Al-Jeer Human Resources Company (ARCO) at Association of Philippine Licensed Agencies for the Kingdom of Saudi Arabia na makatutulong umano sa mga Pilipino na nais magtrabaho sa kingdom.
Nalagdaan din ang kasunduan ng Al Rushaid Petroleum Investment Company, Samsung Engineering NEC Co. Ltd., at EEI Corporation nagkakahalaga ng US$120 milyon para sa pagtatayo ng 500-person training facility sa Tanza, Cavite.
Layunin ng kasunduan na mapataas ang kakayanan ng mga Pilipino sa masonry, carpentry, electrical, welding, equipment management, warehousing, steel fabrication, at iba pang construction-related na kasanayan.
Nasa 15,000 ang inaasahang makikinabang sa naturang programa sa loob ng limang taon.
Pinirmahan din ang kasunduan sa pagitan ng Maharah Human Resources Company ng Saudi at kompanyang Pilipino na Staffhouse International Resources Corporation at E-GMP International Corporation, na nagkakahalaga ng tig-US $191 milyon.
Layunin ng dalawang kasunduan na mabigyan ng trabaho sa Saudi ang libu-libong Pilipino.
“In a time when job creation and economic growth are paramount, this achievement will provide invaluable opportunities for our workforce, particularly for our overseas Filipino workers,” sabi ni Romualdez.
Kinilala rin ni Romualdez ang hindi matatawarang kontribusyon ng iba pang opisyal ng gobyerno at lider ng mga negosyo na nakikipagnegosasyon upang mabuo ang kasunduan.
“As these agreements come to fruition, the House of Representatives will remain steadfast in its support of the administration's initiatives to ensure that the benefits are felt by all Filipinos,” dagdag pa ni Romualdez.