2 IKA-6 NA PAMPUBLIKONG KONSULTASYON SA PAG-AMYENDA SA KONSTITUSYON, ISINAGAWA SA LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE
Isinagawa ngayong Sabado ng Komite ng Constitutional Amendments sa Kapulungan ng mga Kinatawan, ang ika-anim na pampublikong konsultasyon sa mga panukala para sa pagrereporma ng 1987 Saligang Batas, sa City Convention Center sa Lungsod ng San Jose Del Monte, Bulacan. Mahigit na 700 ang lumahok sa pampublikong konsultasyon mula sa akademya, mga grupo ng mananaliksik, mga grupo ng kabataan, negosyante, legal groups, civil society organizations, people’s organizations at NGOs, kabilang na ang mga nasa pamahalaang nasyunal at lokal na pamahalaan ng Lungsod ng San Jose del Monte, ang Sanguniang Panglunsod at Barangay, at mga nasa media ang dumalo sa aktibidad. Inilarawan ni Rep. Florida Robes (Lone District of San Jose Del Monte City), Chairperson of the Committee on Good Government and Public Accountability, ang konsultasyon bilang “enriching (because) the invited guests … can give proper insights on the needed constitutional reform.”
Ang mga dumalo sa konsultasyon ay sina Committee on Constitutional Amendments Vice Chairperson Rep. Divina Grace Yu, Committee on Appropriations Vice Chairperson at ekonomistang Rep. Stella Luz Quimbo, Assistant Majority Leader ay Leyte Rep. Richard Gomez, Nueva Ecija Rep. Ria Vergara, Bulacan Rep. Danny Domingo, Laguna Rep. Loreto Amante, 4Ps Party-list Rep. JC Abalos, at Siquijor Rep. Zaldy Villa. Kasama sa mga dumalo sina Bulacan Vice Governor Alex Castro, U.P. political scientist Prof. Clarita Carlos, Prof. Eric Castillo, gayundin sina Cabanatuan City Mayor Mycah Elizabeth Vergara, mga lokal na opisyal mula sa DILG, mga abogado mula sa San Jose City Prosecutors Office at mga kinatawan mula sa Bulacan State University, at iba pa.
Nagbigay si Rep. Yu ng pangkalahatang paliwanag sa anim na panukala na inihain sa Committee on Constitutional Amendments, sa usapin ng panawagan para sa isang Constitutional Convention, upang imungkahi ang mga amyenda sa Konstitusyon.
Ipinaliwanag ni Rep. Quimbo kung papaano ang mahihigpit na probisyon sa Konstitusyon ay nakakahikayat ng kakaunting negosyo at tinalakay ang mga benepisyo kapag binuksan ang ekonomiya, tulad ng mas mataas na sahod, maraming trabaho, karagdagang foreign direct investments, mas pinaunlad na serbisyo mula sa mga sektor, at iba pa.
Nasiyahan si dating Congressman at ngayo’y San Jose Del Monte City Mayor Arthur Robes, dahil pinili ang kanyang lungsod na isa sa mga pinagdausan ng pampublikong konsultasyon sa pagrereporma sa Konstitusyon, at malugod na tinanggap ang mga panauhin mula sa Kapulungan.
“Sa aking nakikita ay maaaring isa tayo sa pinakamalaki na pampublikong konsultasyon upang talakayin ang Saligang Batas. Ito ang unang pagkakataon na tayo ang naging punong abala sa ganitong kahalagang okasyon,” ani Robes.
Hinimok niya ang mga kalahok na ipamalas ang kanilang pagmamahal sa bansa sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Bongbong Marcos, at magbahagi ng mga rekomendasyon na pakikinabangan ng darating pang mga henerasyon.
Sumang-ayon si Rep. Robes at sinabing “Ang Saligang Batas ay ang pinakamataas ng batas ng bansa at ito’y makakaapekto ng bawa’t isa sa atin at ng ating mga anak at kanilang mga anak.
Mahalaga na tayo ay maging mapagmatyag at makilahok sa talakayan hanggang sa dulo sa pagpapa-apruba sa panukala.”