Friday, March 22, 2024

Tina/ March 19

Inapela ni AGRI Party-list Rep. Wilbert T. Lee  sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na isama sa kanilang benefit package ang optometric services o mga serbisyong kaugnay sa kalusugan ng mga mata para maging mas accessible at abot kaya . 


Sa inihaing House Resolution 1623 ng kongresista  binigyang diin nito ang kahalagahan na mapangalagaan, maagapan at magamot ang mga sakit kaugnay sa paningin, gya na lamang ng paglabo ng mata, pagkabulag, katarata at iba pa 


Ayon kay Lee, maraming bata ang pagkapanganak pa lang may problema na sa mata, at marami ang apektado ang pang-araw-araw na pamumuhay dahil sa pagkabulag o malabong paningin.


Naniniwala rin ang mambabatas na dapat ituring na pangunahing healthcare  issue ang problema sa paningin, lalo’t may epekto  ito sa development ng isang bata, nagdudulot ng social isolation, depresyon at economic hardship o hirap sa paghahanap ng trabaho o kabuhayan.


Mababatid na batay sa tala ng Integrated Philippine Association of Optometrists (IPAO) nasa 41.4- M Pilipino ang patuloy na  nangangailangan ng eye at vision care kasama na rito iyong may presbyopia at refractive errors.


wantta join us? sure, manure...

MAR 18

-Hajji-

Tiwala si House Speaker Martin Romualdez na maiaangat ang Ninoy Aquino International Airport sa "world-class" standards at mapalalakas ang posisyon nito bilang premier gateway sa Pilipinas.


Kasunod ito ng paglagda sa landmark concession agreement para sa NAIA Public-Private Partnership Project na nagkakahalaga ng 170.6 billion pesos.


Ayon kay Romualdez, malaki ang pakinabang nito sa ekonomiya ng bansa dahil lilikha ito ng trabaho, lalakas ang turismo at mapaiigting ang connectivity sa global markets.


Binigyang-diin nito ang kahalagahan ng PPP project sa pagtugon sa matagal nang problema ng NAIA kabilang na ang kapasidad nito sa tumataas na demand ng domestic at international passengers.


Pinuri rin ng House leader ang pagtutulungan ng gobyerno at private sector stakeholders sa pagsusulong ng sustainable growth at innovation sa transportation infrastructure.


Dagdag pa ni Romualdez, ang proyekto ay patunay ng dedikasyon ng pamahalaan na gawing "conducive" ang environment para sa private sector investment.


Susuporta aniya ang Kamara sa pagtitiyak na matagumpay na maipatutupad ang proyekto.


Sa ilalim ng PPP project, inaasahan ang rehabilitasyon at modernisasyon ng runway, taxiway, ramp areas at firefighting facility gayundin ang pagpapalawak sa annual passenger capacity mula sa 32 million patungong 60 million.


wantta join us? sure, manure...

Isa Umali / March 19

Pasado na sa committee level ng Kamara ang “substitute bill” laban sa mga tinatawag na “spaghetti wires,” para maprotektahan ang publiko at mga ari-arian.


Sa joint hearing ng House Committees on Energy at Communications Technology, nagkasundo na pag-isahin ang limang House Bills na nag-oobliga sa electric at communication companies na ayusin ang kanilang linya ng kuryente at kable ng telepono at internet.


Punto ng mga nagsusulong ng panukala, ang mga sala-salabat na kable ay “eye sore” sa mga komunidad.


Bukod dito, may mga namatay at nasugatan na rin dahil sa mga buhol-buhol na kable kaya panahon na para atasan ang mga kumpanya na ayusin ang kanilang mga linya.


Ilan sa mga inerekomendang parusa sa lalabag na electric at communication companies ay multang mula P250,000 hangang P500,000 sa unang paglabag; at kapag patuloy nilang binabalewala ang mga reklamo hinggil sa spaghetti wires ay aabot ng hanggang P2 million ang multa.


Kailangan ding regular ang maintenance ng mga nabanggit na kumpanya sa kanilang mga kable upang matiyak na hindi babagsak o makaka-disgrasya ang mga ito.


wantta join us? sure, manure...

MAR 19

-Hajji-

Iniulat ni Speaker Martin Romualdez na naaprubahan na sa Kamara ang lahat ng priority measures na tinukoy ng Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC na mas maaga ng tatlong buwan sa itinakdang schedule.


Sa ginanap na LEDAC meeting sa Malacanang, inihayag ni Romualdez kay Pangulong Bongbong Marcos na naipasa sa ikatlo at huling pagbasa ang labingsiyam na panukalang batas na dapat sana ay sa Hunyo pa ang target.


Kabilang sa mga ito ang Amendments to the Anti-Agricultural Smuggling, Philippine Defense Industry Development Act, E-Governance Act, Military and Uniformed Personnel Reform Bill, Blue Economy Act, Department of Water Resources and Services at Amendments to the Government Procurement Reform Act.


Naihabol din ng Mababang Kapulungan ang Academic Recovery and Accessible Learning o ARAL program at CREATE MORE.


Sinabi ni Romualdez na patunay ito na "proactive" ang Kongreso at nakikinig sa pangangailangan at hinaing ng taumbayan alinsunod sa Philippine Development Plan at 8-Point Socio-Economic Agenda sa ilalim ng Medium-Term Fiscal Framework.


Ibinida pa ng House leader na sa dalawampung LEDAC priority measures ay pito ang nilagdaan ni Pangulong Marcos bilang batas at tatlo ang nasa bicameral conference.


Samantala, maging ang labimpitong priority measures na binanggit ng pangulo sa kanyang State of the Nation Address noong nakaraang taon ay naipasa na ng Kamara.


wantta join us? sure, manure...

MGA PANUKALANG MAGBIBIGAY KAPANGYARIHAN SA MGA SENIOR CITIZENS AT PWDs, UMUUSAD NA


Inaprubahan ngayong Martes ng Komite ng Ways and Means sa Kamara, na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, sa magkasanib na pagdinig sa Komite ng Senior Citizens na pinamumunuan ni SENIOR CITIZENS Party-list Rep. Rodolfo Ordanes, ang mga probisyon sa buwis ng substitute bill na nagmumungkahi ng pagtatrabaho para sa mga may kakayanang senior citizens. 


Ang panukalang "Employment Opportunities for Senior Citizens and Private Entities Incentives Act" ay mula sa pinagsama-samang walong panukala, na naglalayong gawaran ang mga pribadong negosyo na nagpapatrabaho ng mga senior citizens ng kahit anim na buwan, sa pamamagitan ng 25 porsyentong kabawasan sa buwis mula sa kanilang gross revenue, para sa kabuuang halaga na ibinayad nila sa sweldo, mga benepisyo at mga pagsasanay. 


Ipinagpatuloy rin ng magkasanib na lupon ang pulong sa Espesyal na Komite ng Persons with Disabilities (PWDs), na pinamumunuan ni Agusan del Sur Rep. Alfelito Bascug, at inaprubahan ang mga substitute bills sa mga HBs 10061, 10062 at 10063. 


Layon ng HB 10061 ang isang pinaunlad na diskwento para sa mga senior citizens at PWDs, sa pagbili nila ng mga produkto at serbisyo. 


Ipinaliwanag ni Salceda na ang layunin ng substitute measure, "Itong bill is very simple. Kapag may promo ka, the discount stays." 


Binibigyang katuwiran naman ng HB 10062, ang mga benepisyo at pribilehiyo para sa mga senior citizens at PWDs, na inaprubahan na may mga amyenda. 


Samantala, layon ng HB 10063 na isulong ang ang mga kapakanan ng mga senior citizens at PWDs, sa pamamagitan ng pagsasama ng mga serbisyo para sa mga senior citizens at PWDs sa eGov PH super app. 


Ang eGov super app ay isang automated system na pagsasama-samahin ang lahat ng government online services sa iisang plataporma, ayon kay Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary David Almirol Jr. 


Idinagdag niya na gagawing sentro ng government online services ang app at palalakasin ang paggamit ng national ID na inisyu ng Philippine Statistics Authority (PSA). 


"If we're able to integrate the national ID system, we're able now to automatically identify who are the senior citizen so that we don't need to repeatedly ask them to prove that they are senior citizens," dagdag niya.

wantta join us? sure, manure...

MGA MAMBABATAS, KUNTENTO SA MGA PAGSISIKAP NG EHEKUTIBO AT LEHISLATURA TUNGO SA SEGURIDAD SA PAGKAIN AT ZERO HUNGER NG BANSA


Nasisiyahan ang mga mambabatas sa Kamara, sa mga pagsisikap ng ehekutibo at lehislatura sa pagtugon sa seguridad sa pagkain at zero hunger sa bansa. 


Pinuri nina House Deputy Majority Leader at PBA Party-list Rep. Margarita “Atty. Migs” Nograles, at Committee on Housing and Urban Development chair at Negros Occidental Rep. Francisco “Kiko” Benitez, sa isang pulong balitaan ngayong Martes, ang pagsisikap ng iba't ibang mga tanggapan ng ehekutibo at Kongreso, sa pagpapahintulot sa administrasyong Marcos na maisulong ang seguridad sa pagkain at zero hunger sa bansa. 


Binanggit ni

Benitez kung papaano ang mga hakbang ng Kamara, lalo na ang liderato ay nakita ang usapin sa food inflation, at nagresulta sa pagbagal ng antas ng inflation sa bansa. 


“Pababa po ng pababa actually ang inflation natin and again it really is because we’re deliberately and quite systematically addressing food inflation. I think that moving forward, we need to sustain having to control inflation because it's the entirety of our economic recovery na iniisip po ni Speaker Martin (Romualdez),” ani Benitez. 


Ayon sa kanya, walang tigil na pinag-aaralan ng liderato ng Kamara ang mga ugat at epekto ng inflation. “Kasi kapag gutom po ang taongbayan, napakahirap. Wala hong ibang pwedeng pag-usapan. So, it's a very basic need (na) kung ang sikmura nila ay walang laman, wala na ho silang pakikinggan. It's so basic and fundamental, it needs to truly be addressed. At hindi lang ho sa rice halimbawa, but on all the commodities.” Ayon pa kay Benitez, ang seguridad sa pagkain ay bahagi ng napakahalagang alalahanin para sa Kamara. 


Tinukoy niya na kalahati ng kabuuang antas ng inflation ay sa inflation sa pagkain. 


“If I remember correctly, mga 50% contribution to our inflation. So, anything that you can do to address food security and food inflation will redound to the benefit of our people.” “Sa ngayon nga may hearing din at discussion on minimum wage hikes and so on and so forth. Ang nagtutulak niyan ay pangangailangan ng taong bayan sapagkat may inflationary pressure nga naman,” ani Benitez. 


Samantala, napansin ni Nograles na ang mga tanggapan ng ehekutibo ay nakatuon rin sa suliranin ng kagutuman sa bansa. 


“I think the DA (Department of Agriculture) said that (for) the 2025 budget, ipa-prioritize nila for poultry, high-value crops. So, it's not just Congress that’s working on it. It’s this administration, its various departments. Kasi nga I think even earlier ‘di ba, on the term of PBBM, he said na gusto niya nga zero hunger sana,” ani Nograles. 


Idinagdag niya na tumutulong ang Kongreso sa mga pagsisikap ng administrasyon, at naghahanap rin sila ng mga pamamaraan  at lehislasyon para matulungan ang mamamayan. 


“So may support focusing on food security. Mayroon tayong mga programa. Iyung Bagong Pilipinas Serbisyo Fair, di ba? Mayroon ngayon yung sa SIBOL (Start-up, Incentives, Business Opportunities and Livelihood), sa FARM (Farmers Assistance for Modernization and Recovery), sa CARD (Cash and Rice Distribution). So, it works hand in hand with the aid we are giving to the people with the priority of this administration,” ani Nograles. 


Gumagawa rin ang Kongreso ng mga panukalang batas upang matiyak ang 

tuloy-tuloy na mga programa para sa seguridad sa pagkain imbes na pamimigay  lamang ng ayuda sa mga tao, aniya. 


“So, it's a focus. Kasi importante nga na hindi magutom ang taumbayan and make sure sustainable itong mga bagay bagay na ito at hindi lang puro assistance,” dagdag pa ni Nograles.


wantta join us? sure, manure...

MAR 20

-Hajji-

Kumpiyansa si House Speaker Martin Romualdez na dadagsa ang mas maraming foreign direct investments sa bansa kasunod ng ginanap na dalawang araw na World Economic Forum Country Roundtable.


Ayon kay Romualdez, ipinamalas sa roundtable ang "narrative" ng Pilipinas na may matatag na ekonomiya at hinog na sa mga oportunidad para sa mga nais na maging katuwang sa kasaganaan.


Pinalalawak aniya nito ang pagtingin sa bansa bilang "prime destination" para sa pamumuhunan at binibigyang-diin ang commitment ng administrasyong Marcos na itaguyod ang "conducive environment" tungo sa paglago ng ekonomiya.


Ipinaliwanag din ng House leader na ang WEF Country Roundtable ay nagsisilbing platform para sa makabuluhang dayalogo sa napapanahong isyung pang-ekonomiya na nagbibigay ng oportunidad sa Pilipinas na makaharap ang global leaders at matuto na mapalakas ang investment climate.


Sa katunayan, inihayag umano ni WEF President Borge Brende na ang partisipasyon ni Pangulong Bongbong Marcos sa WEF meeting noong Enero ng nakaraang taon ay nagbukas ng interes sa iba't ibang mga kumpanya na alamin ang investment prospects ng bansa.


Ipinunto ni Brende na mananatiling positibo ang Pilipinas kapag nagpatuloy ang policy reforms, pag-upgrade sa imprastraktura at pamumuhunan sa renewables.


Dagdag pa ni Romualdez, ang aktibong paglahok sa ganitong uri ng mga diskusyon ay paggiit sa dedikasyon para sa mabuting pamamahala, transparency at inklusibong paglago.

wantta join us? sure, manure...

MAR 20

-Hajji-

Naniniwala ang mga leader sa Kamara na magandang senyales ang pagpapahayag ng suporta at commitment ng Estados Unidos na tutulungan ang Pilipinas sa pagprotekta sa karapatan sa West Philippine Sea.


Sa pulong balitaan sa Kamara, sinabi ni Assistant Majority Leader Paolo Ortega na hindi lamang maituturing na project at investment fishing ang ginagawa ni Pangulong Bongbong marcos sa tuwing bumibisita sa ibang bansa.


Malaking bagay aniya ang "iron clad" statement ni US Secretary of State Antony Blinken dahil nangangahulugan ito na hindi nag-iisa ang Pilipinas sa paninindigan sa karapatan nito sa WPS.


Kumbinsido rin si Davao Oriental Second District Representative Cheeno Almario na pinatunayan ng pahayag ni Blinken na malaki ang tiwala na nakuha ng Pilipinas mula sa kaalyado nitong bansa.


Kaya naman pinuri nito ang pagsisikap ni Marcos na patuloy na maghanap ng mga koneksyon at kaalyadong bansa.


Samantala, para kay AKO BICOL Party-list Representative Jil Bongalon ay makapangyarihan ang mensahe ni Blinken dahil tinitiyak nito ang pagtataguyod ng kapayapaan at stability sa rehiyon.


Dagdag pa ni Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong, magsisilbing "morale booster" ang pagpapatibay ng pinakamatagal nang kaalyadong bansa sa suporta para sa Pilipinas upang patuloy na ipagtanggol ang territorial integrity sa WPS.

wantta join us? sure, manure...

MAR 20

-Hajji-

Nasa sampung libo pang mga panukalang batas na inihain ng mga kongresista ang aasikasuhin sa Kamara kahit naaprubahan na ang "priority measures" na tinukoy ng Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC.


Ayon kay PBA Party-list Representative Margarita Nograles, hindi magpapahinga ang Mababang Kapulungan dahil tatalakayin naman ang mga nakabinbing local bills at iba pang panukalang bahagi ng economic agenda ni Pangulong Bongbong Marcos.


Sinegundahan ito ni Negros Occidental Representative Francisco Benitez at iginiit na may mga naibubunyag na problema sa oversight power ng Kamara na hindi nakasama sa legislative process at nangangailangan ng masusing pag-aaral bukod pa sa LEDAC priorities.


Ngayong linggo lang ay apatnapu't limang local at national bills ang target na ipasa bago ang Holy Week break.


Labingsiyam na LEDAC measures ang naaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa na mas maaga sa naunang target na Hunyo ngayong taon.


Idinagdag naman ni Lanao del Norte Representative Mohamad Khalid Dimaporo na may mga trabaho pang dapat pagtuunan ng pansin gaya ng Second Congressional Commission on Education o EDCOM 2.


Aalamin aniya ang ugat ng problema sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao kung bakit isa ito sa may pinakamababang performance sa edukasyon, statistics at indicators.

wantta join us? sure, manure...

kath

Naniniwala ang mga mambabatas na may sapat na kakayanan ang Filipino electorate o mga botante na pumili ng mga opisyal na iluluklok sa pwesto.


Tugon ito ng mga kongresista nang matanong kung ano ang kanilang reaksyon sa grupo ng mga abogado na lumapit sa Supreme Court para hilingin na atasan ang Kongreso na mag pasa ng batas para sa anti-dynasty bill.


Ayon kay AKO Bicol party-list Rep. Jil Bongalon, ang kapangyarihan para gumawa ng batas ay nasa kamay ng lehislatura at walang sinoman ang maaaring pumilit sa kanila para gumawa ng lehislasyon.


Gayunman, sa usapin ng political dynasty, sinabi ng mambabatas na mayroon nang anti-political dynasty provision sa SK Reform Law.


At kung makita epektibo ito ay maaaring aralin kung uubra din ito sa pangnasyunal.


Sabi naman ni Deputy Speaker David Suarez nag-evolve na ang pag-iisip at paraan ng pagpili ng mga botante.


Kaya naman hayaan na lamang aniya ang Filipino electorate na pumili sa kung sino ang kanilang iboboto.

Sinegundahan ito ni La Union Rep. Paolo Ortega.


Aniya sa panahon ngayon na may social media ay madaling makita ng taumbayan kung talagang nagta-trabaho ang isang lingkod bayan o hindi, at kung ayaw ka talagang iboto, ay hindi ka nila iboboto.


Sabi naman ni Lanao del Norte Rep. Zia Alonto Adiong, hindi dapat limitahan ang mga botante sa mga pagpipilian nilang iboto.


Inihalimbawa nito na sa BARMM, mayroong mga tumatakbo at nagkakalaban sa politika na magkaka apelyido at magkakamag-anak.


Kaya kung itutuloy ang anti-political dynasty law ay wala nang kandidato na makaatkbo.


Mas maganda pa aniya na ayusi na lang ang party system ng Pilipinas gaya ng sa US kung saan magdaraos ng convention at doon pagbobotohan kung sino ang magiging kandidato ng partido.


Dagdag naman ni Davao Oriental Rep. Cheeno Almario, ang mga political dynasty ay kusang dumarating at nawawala.


##


wantta join us? sure, manure...