MGA HULING KAGANAPAN SA MGA SERBISYO NG GSIS, PAG-IBIG AT PHILHEALTH, IBINAHAGI
Bumisita sa Kamara ang mga opisyal mula sa Government Service Insurance System (GSIS), Pag-IBIG Fund, at Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), upang ibahagi ang mga huling kaganapan sa mga benepisyo at serbisyo para sa kanilang mga miyembro. Iprinisinta ni William Roi Bagay, Team Leader ng GSIS Claims Unit Frontline Services Division, sa mga dumalo sa GSIS Touch app, na nagpa facilitate sa mga online purchases at binabawasan nito ang mga gastos sa pagbyahe ng mga retirado at mga pensioners.
Ayon kay Bagay, ipinakikita sa app ang commitment ng GSIS sa pagbabahagi ng consumer convenience.
Tinalakay niya rin ang mandato ng GSIS, financial stability, contribution rates, membership at coverage.
Sa tinatayang 2.64 milyong miyembro at mga pensioners, sinabi niya na ibinabahagi ng GSIS ang ibat ibang uri ng mga benepisyo, kabilang ang life insurance, retirement, separation, employees' compensation (EC), funeral at survivorship benefits.
Samantala, hinimok ni Pag-IBIG marketing specialist Agens Mamon ang mga kalahok na ipagpatuloy ang pag-iipon at pamumuhunan, at sinabing "life doesn't stop after retirement."
Inisa-isa niya rin ang mga kapakinabangan bilang miyembro ng Pag-IBIG.
Nilinaw ni PhilHealth Information Officer Laurence Kenneth Rosales na di-katulad ng GSIS at Pag-IBIG na nagbibigay ng serbisyong kaugnay na pensyon, pangunahing mandato ng PhilHealth ang seguro sa kalusugan, na ang pangunahing benepisyo ay umiikot sa hospital coverage.
Idinagdag niya na ang kontribusyon sa PhilHealth ay nakalinya sa Universal Health Care, o ang 2019 Philippine UHC Act (Republic Act 11223).
Sa kanyang welcome remarks, binigyang-diin ni Maritess Butalid-Zason, hepe ng House Personnel Development Welfare Group (PDWG), ang kahalagahan ng aktibidad sa mga kasalukuyan at mga magreretirong kawani ng Kamara.
“For our new employees … understanding the benefits and services provided by these agencies is crucial for making informed decisions about your future. For our retiring employees, today’s session will equip you with the necessary information to better prepare for retirement ensuring a smooth transition and a secure future,” ani Zason.
Nangako si House Deputy Secretary General for the Administrative Department Dr. Edgardo Pangilinan na ipagpapatuloy ng kanyang tanggapan ang pagpapaunlad ng mga programa at ibahagi ang mga oportunidad sa lahat ng mga kawani, upang kanilang ganap na mapakinabangan ang mga benepisyo.
“Just let us know what we can do more for you, and we will also be here for you,” ani Pangilinan.
Ang mga kawani ng pamahalaan ay mandatoryong maging miyembro ng Pag-IBIG, PhilHealth at GSIS.
Ang kontribusyon ng kawani ay katumbas ng 9% ng kanilang aktwal na buwanang sahod sa GSIS.
Samantala, ang kontribusyon sa Pag-IBIG ay katumbas naman ng kaakibat na porsyento sa buwanang sahod at ang kasalukuyang halaga ay 1% para sa parehong kawani at employer, o kabuuang 2% ng sahod ng kawani.
Ang kontribusyon naman sa mga miyembro ng PhilHealth ay itinaas kamakailan sa 5% ng buwanang sahod ng kawani.