PAGTAAS NG BENEFIT PACKAGE NG PHILHEALTH PARA SA MGA BREAST CANCER PATIENTS
Hajji
Ikinalugod ni House Speaker Martin Romualdez ang pasya ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth na taasan ang benefit package para sa mga pasyenteng lumalaban sa breast cancer.
Pinuri ni Romualdez ang inanunsyong 1,400-percent increase sa "Z benefit package" para sa breast cancer patients kaya magiging 1.4 million pesos na ito mula sa kasalukuyang 100,000 pesos.
Ayon sa House leader, mahalagang hakbang ito tungo sa pagpapalakas ng healthcare services sa bansa kaya napapanahon na ring palawakin ang benefit packages para sa early detection ng cancer at iba pang serbisyo.
Sinabi ni Romualdez na kahit paano ay gagaan ang gastusin ng mga pasyente at kanilang pamilya sa pakikipaglaban sa breast cancer.
Kasabay nito ay binigyang-diin ng Speaker na makatutulong ang early detection sa pagpapabuti ng cancer survival rates kaya marapat isama sa benefit package ang comprehensive cancer screening programs.
Hindi lamang aniya nakakaapekto ang breast cancer sa pisikal na katayuan kundi sa emosyonal at pinansyal na aspeto kaya dapat tiyakin na handa ang healthcare system na maghatid ng komprehensibong suporta.
Bukod sa pagtaas ng "Z benefit package", inihayag din ng PhilHealth na itataas ng 30 percent ang lahat ng benefit packages para sa lahat ng miyembro nito.