Tuesday, May 14, 2024

Kamara suportado inisyatibang magpapabuti sa dental health ng mga Pinoy



Tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang buong suporta ng Kamara de Representantes sa mga inisyatiba na naglalayong itaguyod ang edukasyong pangkalusugan at mapalawak ang access upang mapangalagaan ang ngipin ng bawat Pilipino.


Ito ang mensahe ni Speaker Romualdez sa ika-115 Convention ng Philippine Dental Association (PDA) na ginanap sa SMX Convention Center sa Mall of Asia complex sa Pasay City.


“As Speaker of the House, I am committed to supporting initiatives that promote health education and access to dental care. I believe strongly in our collective ability to make a difference,” ani Speaker Romualdez, pinuno ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan.


“Proactively, the House of Representatives of the 19th Congress is advancing legislation to ensure every city and municipal health unit includes a dental service as part of its primary health care offering,” dagdag pa nito.


Sinabi ni Speaker Romualdez na kabilang din sa isinasaalang-alang ng Kamara ang mga panukalang batas na magbibigay ng libreng medical at dental services, partikular sa mga mahihirap na batang Filipino. 


Binigyan diin ni Speaker Romualdez na ang kalusugan ng ngipin ay mahalaga, ngunit kalimitan ay napapabayaang aspeto ng pangkabuuang kalusugan ng isang Pilipino, na nakakaapekto sa paraan ng pagkain, pagsasalita at pakikisalamuha sa kapwa. Dagdag pa rito, ayon sa mambabatas ay napakaraming mga Pilipino ang nagdurusa sa pananakit ng ngipin na maaari namang maiwasan.


Batay sa datos, sinabi ng lider ng Kamara na pito sa bawat 10 Pilipino ang may sirang ngipin. Kung saan ayon din sa ulat World Health Organization noong 2020, katumbas ng 825 milyong dolyar ang nasayang na pagkakataon ng Pilipinas, sanhi ng limang nangungunang sakit sa bibig.


“The implications of neglecting oral health are dire, not just for our economy but for the future of our nation's children. That's why improving Filipino oral health must be a priority,” giit ni Speaker Romualdez.


Upang matugunan ito, sinabi ni Romualdez na mayroong mga hakbang na ginagawa ang pamahalaan. Gaya ng pagsasama ng dental health sa Republic Act 11223, o ang Universal Health Care Act bilang pangunahing serbisyong pangkalusugan na matatanggap ng bawat Pilipino.


Gayundin aniya, ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion, o TRAIN law, ay nagpatupad ng mas mataas na buwis sa mga matatamis na inumin upang mabawasan ang pagkonsumo sa mga ito at maiwasan ang mga karaniwang sakit sa bibig.


“That is why this convention’s theme, "Strength in Unity," is so apt. It is only by joining forces — legislators, healthcare providers, community leaders, and industry stakeholders — that we can effect real change,” ayon pa kay Speaker Romualdez.


Inanyayahan ng lider ng Kamara ang lahat ng stakeholders, na magkaisa at sama-samang isulong ang kampanya na hikayatin ang publiko na regular na magpakonsulta, itaguyod ang pagpili ng masustansyang pagkain, at bigyan ng kamalayan kaugnay sa benepisyong saklaw ng kanilang healthcare coverage.


“Together, let us work to ensure that dental health is not just a privilege but a right accessible to all. Let us keep the Filipino smile not only warm and bright but also healthy and strong,” saad pa nito. (END)


———— MULA SA KAMARA DE REPRESENTANTES, TERENCE MORDENO GRANA, NAG-UULAT PARA SA ARMED FORCE RADIO, BOSES NG KAWAK PILIPINO ————— This is Terence Mordeno Grana, reporting for AFP Community News, One AFP for Stronger Philippines.

Laguna governor, 7 pang opisyal nanumpa bilang miyembro ng Lakas-CMD


Nanumpa si Governor Ramil Hernandez ng Laguna at pito pang opisyal ng lokal na pamahalaan nitong Martes bilang miyembro ng Lakas-Christian Muslim Democrats, ang pinakamalaking partido politikal na sumusuporta kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.


Si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ang pangulo ng Lakas-CMD, ang nangasiwa sa panunumpa ng mga bahong miyembro na ginaganap sa isang simpleng seremonya sa Speaker’s Office sa Kamara de Representantes sa Quezon City.


Ikinatuwa ni Speaker Romualdez ang pagpili ni Hernandez at iba pang opisyal sa Lakas-CMD at Alyansa Para sa Bagong Pilipinas na sumusuporta sa Pangulo.


“Together, we can fulfill our dream of a Bagong Pilipinas for our people,” ani Speaker Romualdez, lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan.


Kumpiyansa si Speaker Romualdez na marami pang opisyal ng iba’t ibang lokal na pamahalaan ang sasali sa koalisyon ng administrasyon habang papalapit ang eleksyon sa Mayo 2025.


“Naturally, they would like to gravitate towards the coalition,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.


Kasama ni Hernandez na nanumpa sina Board Member Magtanggol Jose Carait III, Mayor Dwight Kampitan, Vice Mayor RJ Kampitan, and Councilors Florencio Laraño, Homer Herradura, Analyn Nava, at John Paul Pahutan, lahat ay taga bayan ng Victoria.


Sina John Patrick S. Cambe at Lester Rebong na dating opisyal ng Victoria ay nanumpa rin bilang miyembro ng Lakas-CMD.


Ang grupo ni Hernandez ang pinakahuling batch ng mga lokal na opisyal na sumali sa Lakas-CMD.


Noong Lunes, pinangasiwaan din ni Speaker Romualdez ang panunumpa sa Lakas-CMD ng mahigit 30 opisyal mula sa Bulacan at Bukidnon. (END)


———— MULA SA KAMARA DE REPRESENTANTES, TERENCE MORDENO GRANA, NAG-UULAT PARA SA ARMED FORCE RADIO, BOSES NG KAWAK PILIPINO ————— This is Terence Mordeno Grana, reporting for AFP Community News, One AFP for Stronger Philippines.

Mga ahensya ng gobyerno pinulong ni Speaker Romualdez upang mapaghandaan banta ng baha


Pinulong ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez nitong Martes ang mga opisyal ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang mapaghandaan ang banta ng pagbaha bunsod ng nagbabadyang La Niña upang maiwasan na mayroong masawi at mapinsalang ari-arian.


Matapos ang pagpupulong, sinabi ni Speaker Romualdez na susuportahan ng Kamara de Representantes ang mga hakbang na gagawin ng mga ahensya upang mapaghandaan ang La Nina.


Ipinatawag ni Speaker Romualdez ang mga ahensya kasunod ng sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na gumawa ng mga hakbang upang mapangalagaan ang mga komunidad at mapanatiling ligtas ang mga residente sa baha.


“We are here with you, tell us what you need to ensure we are sufficiently prepared for La Nina. We are here to support you,” ani Speaker Romualdez.


“We pledged all-out support of the House to all the concerned departments and agencies to ensure anti-flood initiatives, including dredging activities, are properly implemented promptly,” dagdag pa ng lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan.


Dumalo sa pagpupulong sina Department of Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan, Department of Science and Technology Sec. Renato Solidum, Jr., Dept. of Environment Sec. Maria Antonio Yulo Loyzaga, at Metro Manila Development Authority Gen. Manager Procopio Lipana. Dumalo rin si Department of Interior and Local Government Undersecretary Lord Villanueva.


Binigyan-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan na mapaghandaan ang La Niña matapos sabihin ni Sec. Solidum na maaaring kapusin na sa oras para mapaghandaan ang pagpasok ng mga bagyo ngayong papatapos na ang El Nino.


“We urge all stakeholders, including national and local government agencies, the private sector, and our communities, to actively participate in these initiatives,” saad pa nito.


Umapela rin si Speaker Romualdez sa publiko na makipagtulungan sa otoridad at panatilihing malinis ang mga daluyan ng tubig.


“Dapat naman po sumunod tayo sa mga protocols dito sa paglilinis at pagtatapon ng basura dahil napaka importante po na maayos ang ating mga areas kung saan tayo nakatira para maganda ang daloy ng tubig pag malakas ang ulan,” wika pa ng lider ng Kamara.


Umapela rin si Speaker Romualdez sa mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng mga anti-flood measure kasama na ang tamang pagtatapon ng basura.


Ipinunto ni Speaker Romualdez ang epekto ng baha sa mga maliliit na negosyo na makakaapekto sa supply chain na mayroon ding epekto sa ekonomiya ng bansa.


“Together, we can build a more resilient Philippines capable of withstanding the challenges posed by natural calamities,” saad pa ni Speaker Romualdez. (END)


———— MULA SA KAMARA DE REPRESENTANTES, TERENCE MORDENO GRANA, NAG-UULAT PARA SA ARMED FORCE RADIO, BOSES NG KAWAK PILIPINO ————— This is Terence Mordeno Grana, reporting for AFP Community News, One AFP for Stronger Philippines.

Senado kinalampag para sa agarang pagpasa ng panukalang amyenda sa Rice Tariffication Law 



Kinalampag ng mga lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mga senador upang agad nilang aprubahan ang panukalang amyenda sa Rice Tariffication Law (RTL) na naglalayong tulungan ang mga lokal na magsasaka at mapababa ang presyo ng bigas sa mga pamilihan.


“I appeal to our friends in the Senate to please, please, please expedite the passage of this measure, of this very urgent and important measure,” ani Assistant Majority Leader at Nueva Ecija 1st District Rep. Mikaela Angela “Mika” Suansing sa regular na punong balitaan sa Kamara


Dagdag pa ni Suansing, “Because at the end of the day po our primary objective is two-fold: one is mabigyan po natin ng access iyong mga pinakamahihirap na mga pamilyang Pilipino sa mas murang bigas; at pangalawa po ay matulungan natin iyong ating mga magsasaka na mapababa iyong cost of production nila.”


Si Suansing ang isa sa pangunahing may akda ng House Bill  (HB) No. 10381, na naglalayong palakasin ang pagiging competitive at katatagan ng industriya ng bigas ng bansa at gawing abot-kaya ang presyo nito para sa lahat ng Pilipino.


Inaprubahan ng Kamara ngayong Martes ang panukala at inaasahang aaprubahan sa ikatlo at huling pag-basa bagong ang sine die adjournment ng 19th Congress sa susunod na linggo.


Tinututulan naman Sen. Cynthia Villar sa pagbabalik ng kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) na muling makapag-angkat at makapagbenta ng bigas.


Dahil aniya ito sa isyu ng korapsyon at pagsiguro ng NFA na poprotektahan ang kapakanan ng mga magsasaka at mamimili.


Sa kaparehong pulong balitaan, sinabi ni Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman na marami sa mga magsasaka ng bigas ang tutol sa kasalukuyang bersyon ng RTL kaya kaisa siya sa panawagan sa mga senador, lalo na kay Villar na siyang tagapamuno ng Senate Committee on Agriculture and Food, na irekonsidera ang posisyon nito.


“Maybe our friends in the Senate would listen and I'm confident that the Chairperson at the Committee on Agriculture will find it also in her heart, nasa Senado si Chair Cynthia Villar, I know she's a good person. She has compassion in her heart and this would be a very, very good legacy for our farmers,” Roman sabi ni Roman.


Paglilinaw ni Roman, may puwang pa para ayusin kasalukuyang RTL kaya mahalaga rin ang dayalogo kasama ang mga magsasaka para matukoy ang kanilang mga pangangailangan upang mas mapaghusay ang batas.


“Kapag pinakinggan ninyo mga mahal naming mga senador ang ating mga magsasaka, maniwala kayo nagkakaisa sila sa kanilang tinig na dapat baguhin itong RTL at ginagawa na po namin ito sa House,” ani Roman.


Dagdag pa niya, “Let's walk the talk. Nakakasawa na kasi, di ba? Lagi na lang sinasabi the proverbial, ah itong ating magsasaka sila ang naglalagay ng pagkain sa hapag-kainan ng ating mga pamilyang Pilipino, mahalaga sila, but show the love.”


Una nang sinabi ni Quezon 1st District Rep. Mark Enverga, chair ng House Committee on Agriculture and Food, na limitado lang sa price stabilization at supply regulation ang kapangyarihan ng NFA.


Maaari lang din silang mamagitan sa merkado kung may emergency situation gaya ng masyadong mataas na presyo ng bigas o kakulangan sa suplay.


Last resort na lang din ang aniya ang gagawing ng NFA na mag-angkat ng bigas upang dumami ang suplay at humupa ang presyo nito.


Pinaka mahalagang probisyon ng panukala ang pagpapatuloy sa Rice Competitive Enhancement Fund (RCEF), para tugunan ang hamon sa industriya ng bigas, ayon sa kanya.


Mula sa P10 billion, ang halaga ng RCEF na ginagamit sa pagtulong sa mga magsasaka ay itataas ito sa P15 billion.


Pahihintulutan din nito ang NFA na irehistro ang lahat ng  grain warehouse at magsagawa ng inspeksyon para masigurong nasusunod ang rice quality supply standards.


Mananatili rin ang mandato nito na magkaroon ng sapat na buffer stock na bibilhin mula sa mga organisasyon at kooperatiba ng mga magsasaka.


Sinabi na noon ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na plano niyang sertipikahan bilang urgent ang RTL amendment.


Sabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na target nilang maisakatuparan ang amyenda sa RTL sa Hulyo para maibaba ng presyo ng bigas ng hindi hihigit sa P30 kada kilo na mas abot kaya para sa pamilyang Pilipino.


Kasalukuyang naglalaro sa P40 hanggang P45 o minsan ay higit pa sa P50 an presyo ng bigas sa pamilihan.


“By amending the RTL, we aim to bring about tangible reductions in rice prices, ensuring that Filipino consumers are not unduly burdened by high food costs,” ani Speaker Romualdez.


“Lowering rice prices to less than P30 is a crucial step towards ensuring food security and economic stability for all,” dagdag niya. (END)


———— MULA SA KAMARA DE REPRESENTANTES, TERENCE MORDENO GRANA, NAG-UULAT PARA SA ARMED FORCE RADIO, BOSES NG KAWAK PILIPINO ————— This is Terence Mordeno Grana, reporting for AFP Community News, One AFP for Stronger Philippines.

Kahalagahan na maabot ng BIR target collection iginiit ni Speaker Romualdez



Iginiit ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang kahalagahan na maabot ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang target nitong makolektang buwis upang magkaroon ng pondo ang gobyerno na gagamitin sa mga proyekto at programa nito.


“Year on year, the BIR’s revenue collections grew by 17 percent this year. That’s welcome news, and I credit the BIR for that,” ani Speaker Romualdez.


“But 17 percent growth from total collections last year will mean the BIR will fall short of P3.05 trillion target set by the economic managers,” dagdag pa ng lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 miyembro.


Nakakolekta ang BIR ng P2.516 trilyon noong 2023. Kahit na tumaas ng 17 porsyento ang kabuuang nakolekta ng BIR na nagkakahalaga ng P2.94 trilyon ay bahagya pa rin itong mas mababa sa target na makolekta.


“It’s a high bar to clear. That’s why Congress has given the BIR the tools to collect more effectively from taxpayers,” wika pa ni Speaker Romualdez.


“We enacted the Ease of Paying Taxes, effective this year, to digitalize most of BIR’s transactions and encourage taxpayers to comply voluntarily. The law will also broaden the base of taxpayers, since we made registering as a taxpayer simpler, more convenient, and above all free,” saad pa nito.


Sinabi ni Speaker Romualdez na malaking bahagi ng pag-unlad ng ekonomiya ng bansa ay nakasalalay sa gagawing paggastos ng gobyerno. Kung mabilis umanong makakakolekta ang BIR ay mabilis ding mapopondohan ang mga programa at proyekto ng gobyerno.


“Government final expenditure grew by only 1.7 percent during the first quarter, so I’m hoping that the BIR will be able to collect more in the second quarter so government spending can also catch up. We need to fund both programmed spending and as much of the unprogrammed appropriations as possible to meet our growth targets this year,” wika pa ni Speaker Romualdez.


“Tax is the lifeblood of government, and the vitality of economic growth this year depends on whether the BIR can supply that lifeblood,” dagdag pa ng lider ng Kamara. (END)


———— MULA SA KAMARA DE REPRESENTANTES, TERENCE MORDENO GRANA, NAG-UULAT PARA SA ARMED FORCE RADIO, BOSES NG KAWAK PILIPINO ————— This is Terence Mordeno Grana, reporting for AFP Community News, One AFP for Stronger Philippines.

Pondo ng bayan, oras nasasayang sa PDEA leaks probe-- solons


Umapela ang mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na itigil na ang ginagawang imbestigasyon ng Senado sa umano’y “PDEA leaks” dahil pagsasayang lamang ito ng oras at pondo ng bayan.


Sa isang pulong balitaan nitong Martes, sinabi ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin na dapat na isaalang-alang kung ano ang tinatahak na direksyon at benepisyo ng umano’y na-leak na dokumento ng PDEA na nagsasangkot kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa paggamit ng ilegal na droga, lalo na at pondo ng bayan ang ginagastos sa pagdinig.


“Senate hearings, congressional hearings are actually paid by taxpayers’ money. Kaya kapag may mga imbestigasyon ang importante ditong masagot ay saan ba ito patutungo? Ano ba ang magiging benepisyo ng taong bayan? Ano ba ‘yung mga batas na kailangang gawin o mga batas na kailangang baguhin para matugunan at hindi maulit ‘yung mga problemang nakikita?” paliwanag ni Garin.


Dagdag pa ni Garin, “Apparently in the Senate investigation on PDEA leaks, what we are seeing is a confused narrative. Kasi nga nagtuturuan na ‘ay hindi nagsisinungaling ‘yan.’ ‘Ay, hindi palaging story-telling liar.’ May mga ganung accusations.”


Hinimok ni Garin ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, na pinamumunuan ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, na balikan at muling suriin ang mga hawak nitong ebidensya. 


“Now, where will this bring us? I believe the best thing that can be done as a legislator is for the committee to go back maybe 3 or 4 steps backward, gather all the evidence, decipher whether totoo ba ‘yan o hindi,” ayon pa sa kongresista mula sa Iloilo, kasabay na rin ng babala sa labis na pagtitiwala sa umano’y whistleblower na hindi dumaan sa masusing pagsusuri.


Sinabi ni Garin na dapat ay pangalagaan ang kapakanan ng publiko, na maaaring magdulot ng kalituhan at magresulta ng kawalang katatagan ng bansa. 


“At the end of the day, it’s actually really ruining our country. It’s okay to do investigations pero dapat iyong mga impormasyon na inilalatag ay totoo, nakitaan ng ebidensiya at talagang may direksyon because at the end of the day you are wasting taxpayers’ money,” ayon sa mambabatas. 


Pinaalalahanan din ni Garin si Dela Rosa na maging maingat sa imbestigasyon lalo’t kilalang mga tao ang isinasangkot na nakakakuha ng interes ng publiko.


“It’s a very prestigious body, the Senate, so with due respect to Senator Bato na talagang nirerespeto naman natin, we cannot use the four corners of Senate and being a legislator to just put anything under the sun,” ayon pa lady solon. 


Paalala pa ni Garin ang responsibilidad na kaakibat ng legislative power, na kapag pinanatili ang imbestigasyon nang walang pagsasaalang-alang sa mga itinakdang pamantayan ay magdudulot ng hindi magandang halimbawa.


“With power comes responsibility. It’s not because it’s a President, meron mga artista na pinapangalanan, it’s not the point eh. The point is if this will not stop, this can be a precedent where anybody can be damaged,” dagdag pa ni Garin. 


Sinabi naman ni Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores, na kinakailangan ang higit na pag-iingat upang hindi makapinsala ng reputasyon ng mga inaakusahan ang mga walang basehang alegasyon.


Inihalimbawa rin ni Flores ang mga indibidwal na gumagawa ng kasinungalingan para lamang magpapansin, kaya mayroong mga manonood na nagsasabi na nagmumukhang ‘circus’ ang pagdinig ng komite.


Nang tanungin naman kaugnay sa direksyon at layunin ng imbestigasyon, iginiit ni Flores na dapat iwasan ang circus-like atmosphere, at tiyakin na ang pagdinig ay nagsisilbi sa isang makabuluhang layunin. 


“Tama iyong sinabi ni Congresswoman Garin, ano ang direksiyon? What do you want to achieve? Now, if you’re running a circus, you will naturally invite the clowns in,” ayon kay Flores.


Dagdag pa ng mambabatas, “So that is what we want to avoid, di ba? Sayang nga e, hindi mo na kasi mabawi ‘yung damage that you will do to the person once you testify this or that and it’s based pala on some unnamed informant.”


Binigyang-diin pa ni Flores na kailangan na maging maingat sa pagpili ng mga testigo, at paghimok sa komite na iwasang mag-imbita ng mga indibidwal na may hindi kapani-paniwalang impormasyon at ang pagsasagawa ng beripikasyon sa sinasabi ng mga humaharap sa pagdinig.


Sa panig naman ni Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman, ipinaalala nito kay Dela Rosa na mag-ingat sa pagsasagawa ng imbestigasyon. 


“We recognize the independence of the legislative branch of government. We are co-equal with the executive. We do not question the prerogative of the Senate if they want to conduct an investigative inquiry. But let us be reminded that this act, this investigation has a sole purpose of trying to improve legislation,” ayon kay Roman. 


Kinuwestyon din ni Roman ang tunay na intensyon ng ginagawang pagdinig, lalo na kung ito ay naganap sa nakalipas na administrasyon.


“When I view things how they are conducting this inquiry and I look back at the past administration, I can’t help but wonder what is the real intent of Sen. Bato dela Rosa. I would like to think that he would like to improve the legislation, but I’ve also asked myself, you know, it’s inevitable on the mind of everyone kung itong imbestigasyon na ito ay nangyayari sa nakaraang administrasyon. Ano kaya kaya ang nangyayari ngayon, ano? Parang merong kakulangan ng paggalang sa pagkatao ng ating Pangulo.”


Hinimok din ni Roman si Dela Rosa na ibaling ang kaniyang pagsisikap sa mas mahahalagang usapin. “So nananawagan ako sa aking kaibigan Sen. Bato dela Rosa maybe you should focus your energy on more productive matters that really concern our citizens in the country,” ayon pa sa mambabatas.


“Katulad nga mamayan siguro mapapag-usapan din natin yung ating Rice Tarrification Law, ‘yung Anti-Discrimination Bill based on sexual orientation identity and expressions. So many, many other legislative measures that are more pressing and more urgent. So para sa akin it’s a waste of time, really,” ayon pa kay Roman. (END)


———— MULA SA KAMARA DE REPRESENTANTES, TERENCE MORDENO GRANA, NAG-UULAT PARA SA ARMED FORCE RADIO, BOSES NG KAWAK PILIPINO ————— This is Terence Mordeno Grana, reporting for AFP Community News, One AFP for Stronger Philippines.