Hinihimok ni AGRI PL Rep. Wilbert Lee ang pamahalaan na gawing simple at huwag kumplikado ang pagkuha ng loan at proseso para sa Public Utility Vehicle o PUV Modernization Program.
Kasabay ng tigil-pasada ng PISTON ngayong Lunes, naghain si Lee ng House Resolution 1474 na umaapela sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB, Land Bank of the Philippines, at Development Bank of the Philippines na i-streamline, simplehan at pabilisin ang loan application requirement at proseso para sa PUV operators, tsuper at mga kooperatiba.
Ayon kay Lee, marami sa PUV sector ang nagrereklamo dahil sa dami ng hinihinging requirement para sa pagbili ng unit.
Isa pang suliranin ang masyadong mahal na presyo, lalo’t hindi naman lahat ay kayang gumastos ng P2.8 hanggang P3.2 million para sa bagong unit.
Giit ni Lee, ang hangarin ng PUV modernization program ay tila naisasantabi dahil mas ramdam ang hirap at “torture” ng mga operator, drayber at kooperatiba.
Paalala ng kongresista, ang pampublikong transportasyon ay hindi lamang serbisyo-publiko, kundi kabuhayan ang maraming miyembro ng sektor.