Nakarating na kay House Speaker Martin Romualdez ang suhestyon ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Larry Gadon na isabay na rin ang political provisions sa pag-amiyenda sa 1987 Constitution.
Sa panayam sa Kamara, sinabi ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo na pupulungin muna ni Romualdez ang House leadership at party leaders upang talakayin ang mga rekomendasyon ni Gadon.
Nananatili aniya sa ngayon ang inaprubahan ng Kamara na Resolution of Both Houses Number 7 kung saan tanging economic provisions ang gagalawin sa Saligang Batas.
Aminado rin si Tulfo na marami pang problemang kailangang ayusin sa halip na pagtuunan ng pansin ang political amendments tulad ng term extension.
Nagagalit umano ang taumbayan sa mga mambabatas kapag inuuna ang mga personal na interes kaya mas makabubuting tutukan na muna ang suliranin sa pagsugpo sa kahirapan at gutom.
Mababatid na sa liham ni Gadon kina Speaker Romualdez at Senate President Juan Miguel Zubiri ay nais nitong ipasabay na ang amiyenda sa political provisions partikular sa pagpapalawig ng termino ng mga lokal na opisyal kabilang ang mga gobernador at alkalde.
Ipinunto ni Gadon sa sulat na masyadong magastos ang halalan kada tatlong taon kaya mas mainam na ilaan na lamang ang pondo sa iba pang pangangailangan ng mamamayan.