Nagdaos ngayong Martes ng pagdinig ang Komite ng Transportasyon sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Antipolo City Rep. Romeo Acop, hinggil sa pagkawala ng kuryente at teknikal na problema na nakaapekto sa mga dumarating at umaalis na eroplano sa bansa noong ika-1 ng Enero 2023 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa kanyang pambungad na pahayag, sinabi ni Acop na ang unang pagdinig ay isinagawa upang malaman ang tunay na dahilan ng pagkabigo ng sistema, na nakaapekto sa mga eroplano at mga pasahero.
Binanggit niya na ilang resolusyon sa Kapulungan ang inihain na nananawagan ng imbestigasyon sa nangyaring insidente.
"This incident affected around 78,000 passengers and a combined 637 domestic and international flights. Not to mention the repercussions it had and continues to have on our country from a tourism destination option, an economic investment option and a compromised national security," ayon kay Acop.
Sa naturang pagdinig, humingi ng taos-pusong paumanhin si Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista sa lahat ng naapektuhan at naabala ng teknikal na problema.
Binigyang-diin ni Bautista ang lubos na pangangailangan na maayendahan ang umiiral na mga batas sa procurement, gayundin ang teknikal at pinansyal na ayuda, upang mapabilis ang pagbili ng mga teknikal na kagamitan para sa NAIA, Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at iba pang mga paliparan sa mga rehiyon. Nagbigay ng briefing sina CAAP Director General Captain Manuel Tamayo at CAAP Air Traffic Service Officer-in-Charge Chief Engr. Arnold Balucating sa lupon, sa mga naganap sa problemang dulot ng kanilang Communications, Navigation, Surveillance / Air Traffic Management (CNS/ATM).
Sinabi rin ni Tamayo na sa payo ng kanilang suplayer, ay bumili sila ng emergency UPS dahil luma na ang kanilang umiiral na UPS.
Subalit kinuwestyon ni 1-RIDER Party-list Rep. Ramon Rodrigo Gutierrrez ang mga opisyal ng CAAP sa madaliang pagbili nila ng UPS, at sinabing dapat na masusing pag-aralan ang ganitong uri ng pagbili.
Iminungkahi ni Gutierrez ang wastong paggamit ng pondo, upang maayos na mabayaran ang mga air traffic controllers at mga maintenance personnel, imbes na mamuhunan sa mga paulit-ulit na sistema.
Samantala, nanawagan din si Zamboanga Sibugay Rep. Wilter Palma sa CAAP na tugunan ang kapakanan ng mga nai-stranded na mga Overseas Filipino Workers (OFWs) kapag nagkakaroon ng mga pagkaantala o pagkansela ng kanilang eroplano.
Muling magpupulong ang lupon upang mas higit pang matalakay ang usapin.
wantta join us? sure, manure...